
HINDI pa man nagsisimula ang selebrasyon ng NEW YEAR 2025 ay umaabot na sa mahigit isandaan katao ang naging biktima ng paputok.
May isa pa ngang senior citizen na nasawi dahil sa paputok.
Tulad ni Judas Escariote na nagpahamak sa ating panginoong Hesukristo, isang iligal na paputok na judas belt ang naging dahilan ng pagkamatay ng isang 78 anyos na lolo na nasabugan ng paputok pagkatapos niyang sindihan ito.
Naisugod pa umano sa pagamutan ang matanda subali’t binawian rin ito ng buhay makalipas lamang ang limang araw.
Kaya ingat po tayo sa paggamit ng paputok.
Kung hindi tayo sanay na gumamit nito ay huwag na huwag na po ninyong pagtangkaan na gawin upang makaiwas sa kapahamakan.
Mahigit isandaan sa 125 na biktima ay napatunayan na mga kabataan na ang mga edad ay nasa 19 hanggang 23 anyos.
kahit pa sabihin na nasa hustong edad na rin naman ang mga kabataang ito, marahil ay kinakailangan din subaybayan pa rin mabuti at bantayan ng mga nakakatanda ang mga kabataang ito upang maging responsable hindi lamang sa kanilang sarili kundi maging sa ibang mga tao sa paligid na posibleng madamay o madisgrasya oras na sumablay ang kanilang pagpapaputok.
Halos taun-taon ay patuloy naman ang pagbibigay ng babala sa mga matitigas ang ulo at pasaway nating mga kababayan na mahilig agpasabog ng paputok sa panahon ng selebrasyon o bago pa man sumapit ang bagong taon subali’t lagi pa rin dagsa ang mga nabibitima ng mga iligal na paputok tuwing sumasapit ang mga ganitong panahon.
Nadadala na rin marahil ang mga nagiging biktima ng mga paputok sa mga nakalipas na taon subalit tila mas marami ang nagiging kapalit nila sa paggamit nito.
Tsk Tsk Tsk Ingat po at mahirap sumalubong sa bagong taon na nakasaklay, putol ang daliri at may sugat sa iba’t ibang bahagi ng ating katawan.
Maganda pa rin na salubungin ang taon ng masaya, payapa at malusog.
Wag nating ihanap ng sakit ng katawan ang ating mga sarili.
Manigong bagong taon po sa ating mga kasamahan sa hanapbuhay at sa ating mga kaibigan at pamilya.
Isang masaya at ligtas na bagong taon para sa ating lahat!