

PINULBOS ng Minnesota Timberwolves ang Golden State Warriors, 102-97 sa Game 3 ng kanilang best of seven semifinal series sa Western Conference at inilapit sa isang panalong agwat upang pormal na makuha ang unang slot sa finals habang sinikwat naman ng Boston Celtics ang isang kumbinsidong panalo at bahagyang nabuhay sa 1-2 panalo-talong baraha matapos na durugin ang New York Knicks, 115-93 sa Game 3 ng kanilang serye sa Eastern Conference semis sa Chase Center Madison Square Garden.
Bumida sa panig ng Wolves ang kanilang pambato na si Anthony Edwards na tumiklas ng 36 points habang nakapagbuhos naman ng pambihirang triple double performance ang kasangga niyang si Julius Randle sa kanyang naiukit na 24 points, 10 rebounds at 12 assists habang si Jaden McDaniels ay kumamada ng 15 points.
Ang Warriors na muling naglaro na wala ang kanilang scorer na si Steph Curry ay pinangunahan naman ni Jimmy Butler na nagtala ng 33 points habang may naiambag na 27 points si Jonathan Kuminga.
Bagama’t patuloy na naghahabol ang Minnesota hanggang sa final period ay nagawa nilang makipagdikdikan sa Warriors sa masikip na opensa at nakapagkasa ng 33 points na produksyon sa kabuuan ng fourth quarter na pumanis sa 24 points ng mga bata ni coach Steve Kerr.
Sa isa pang laro, nagpakita ng bangis ang Boston Celtics kontra New York Knicks at iniwasan na muli pang makadikit at makasilat ng panalo ang Knicks sa ikatlong pagkakataon kung saan nilagyan na nila ng malayong agwat at hindi na pinatawid pa ang una hanggang sa pagtatapos ng laro.
Matatandaan na dalawang ulit na nakalamang ng may 20 puntos ang Boston sa Game 1 at Game 2 subalit nabigo pa rin sila na maipanalo ang laro na naglagay sa kanila sa 0 win at 2 loss sa kanilang serye at nagkaroon ng bahagyang buhay sa larong ito.