
ISINALI na muna si Jillian Ward ngayon sa patok na teleseryeng “Mga Batang Riles” dahil na rin sa paramdam ng tagahanga nito sa GMA-7 na nasasabik na ulit silang mapanood ang magandang young actress.
Si Jillian ay sobrang pinangangalagaan ng Kapuso Network dahil na rin sa pagiging loyal nito bilang Kapuso star, at sa kanyang home studio siya nagsimula bilang young star hanggang sa magdalaga at tawaging Star Of The New Gen.
Iniintriga kaagad, na kung talagang diumano’y mahal ng GMA-7 si Jillian ay dapat lang na mayroon na kaagad na kasunod na pagbibidahang serye ang magandang young actress, kesa isahog lang sa teleserye na markadong sina Miguel Tanfelix, Anton Vinzon at iba pang kalalakihan ang mga tunay na bida!
Maraming bagong proyekto ang GMA Network na nakatakdang gawin bilang mga teleserye. Mahalagang artista ng Siyete si Jillian na laging nagbibida kaya pinag-aaralan pa kung alin ang posibleng project na mas babagay kay Jillian.
Hinahayaan lang muna ng Kapuso Network na makapagpahinga si Jillian, dahil hindi rin biro ang naging pagod nito nang maging bida sa teleseryeng “Abot-Kamay Na Pangarap” na tumagal ng dalawang taon sa ere. Nasundan pa iyon ng muling pagninida sa “My Ilonggo Girl”.
Malaki ang tiwala ng GMA-7 kay Jillian dahil sa pagiging propesyunal nito sa kanyang trabaho. Maraming gustong manligaw sa young actress, pero sa taya ay ayaw pa rin muna nitong makipagrelasyon kaya patuloy na natututukan ng panahon ang kanyang career.

GOVERNOR LUIS CHAVIT SINGSON, MULING BINALIKAN ANG PAGPOPRODYUS NG PELIKULA
HABANG nararamdaman pa rin ang patuloy na paglamlam ng movie industry dahil hindi pa rin talaga ganap na nagbabalikan ang mga tao sa sinehan para manood ng nga pelikula, ay mayroon pa rin talagang mga nagmamahal sa industriyang ito na willing mag-produce ng mga pelikula.
Nariyan na ulit si dating Governor Luis Chavit Singson na bumabalik sa pagpoprodyus ng pelikula. Ang “Samahan Ng Mga Makasalanan” na pinagbidahan ni David Licauco ay co-produced GMA Pictures and former Governor Luis Chavit Singson.
Matagal na nahinto si Gov. Chavit sa pagpoprodyus ng pelikula, dahil na rin sa kaabalahan niya noon sa pulitika at pagpapaunlad ng marami niyang negosyo na pawang naging matagumpay.
Napakaraming kaibigan ni Gov. Chavit sa showbiz, kaya bantog ang kanyang pangalan sa showbiz. Siya din ay isang kilalang Pilantropo. Marami siyang tinutulungan, sa katunayan ay isa siya sa bukas-palad na nagbibigay ng suporta sa yumaong Superstar at National Artist For Film And Broadcast Arts na si Nora Aunor nung nabubuhay pa ang premyadong aktres at naglaroon ng matagal na karamdaman.
Ngayon sa muling pagpaparamdam ni Gov. Chavit ng kanyang pagmamalasakit sa movie industry sa muli niyang pagbabalik magprodyus ng mga pelikula ay marami siyang matutulungang mga manggagawa na nawalan ng trabaho nung panahon ng pandemya.
Mataas ang inaasahan ng mga taga-showbiz sa pamamaraan at kakayahan ni Gov. Chavit, dahil bilyonaryo siya. Kaya dapat makapagprodyus din siya ng mga pelikulang may potensiyal na kumita sa takilya at pagbidahan ng mga sikat na artista at masabayan niýa ang pamamaraan sa pagpoprodyus ng pelikula nina yumaong Mother Lily Monteverde ng Regal Films, ni Boss Vic del Rosario ng Viva Films at ni Ma’m Charo Santos-Concio ng Star Cinema.
