KAI SOTTO, BABALIK SA GILAS NA MAS MALAKAS!

BABALIK sa Gilas Pilipinas ang 7-foot-3 na si Kai Sotto na mas malakas at mas maraming natutunan sa kanyang paglalaro sa Adelaide 36ers sa Australia National Basketball League (NBL).

Ito nilinaw ng 19 anyos na si Sotto matapos ang pag-aanunsyo na hindi siya makakasama ng kanyang mga teammate sa Gilas Pilipinas sa pagsalang ng mga ito sa Fiba Asia Cup na gaganapin sa Indonesia sa darating na Agosto 17-29 dahil kailangan na niyang lumipad patungong Australia sa Agosto 1 upang maglaro sa NBL.

“Babalik ho ako sa Gilas na mas malakas at mas maraming natutunan sa aking paglalaro sa Australia. Ipagdadasal ko po ang mga kasamahan ko para sa Asia Cup and I will be one of their loudest fans,” pahayag ni Kai.

Matatandaan na si Sotto ay lumagda ng kontrata sa Adelaide noong nakalipas na Abril matapos ang maikling panahon ng paglalaro sa Ignite Team sa NBA G League.

Si Sotto ay nakapaglaro kamakailan para sa Gilas national team nitong nakalipas na FIBA Asia Cup Qualifiers na ginanap sa Pampanga kung saan dalawang beses nilang tinalo ang koponan ng Korea at isang panalo naman kontra Indonesia bago tumulak patungong Serbia para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament at nabigo sa dalawang laro doon laban sa Dominican Republic at host na Serbia.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *