GILAS PILIPINAS,GINITGIT ANG THAILAND

GILAS PILIPINAS,GINITGIT ANG THAILAND

NASUNGKIT ng Gilas Pilipinas ang kanilang ikalawang panalo sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China matapos na pulbusin ang koponan ng Thailand, at malusutan ang 87-72 panalo.

Muling nagpamalas ng kalmado at epektibong opensa ang pambato ng Gilas na si Justin Brownlee na nag-ukit ng 22 puntos upang pamunuan ang kanyang koponan sa kabila ng maalat na shooting sa mga unang bahagi ng bakbakan.

Nagawa pang makalamang ng sampung puntos ng Thailand (22-12) na tinampukan ng pagpapaulan ng tres mula kay Tyler Lamb na nag-init ang mga kamay sa pagsisimula pa lamang ng laro at umiskor ng kabuuang 29 points.

Gayunman, dahil sa mabilis na adjustment na ginawa ni coach Tim Cone ay mabilis na nakabalik ang Gilas nagpamalas ng kakaibang bangis upang makadikit bago tuluyang umalagwa sa anim puntos na abante 41-35 sa pagsasara ng first half.

Ang ikatlong yugto ang naging malaking problema ng koponan ng Thailand matapos na magpaulan ng putos ang mga tirador ng Gilas sa pangunguna ni Brownlee kung saan naitaas ang kanilang abante sa 20 puntos at tinapos ang third quarter sa 68-50 na kalamangan.

Naging isang matining na laro para sa mga sniper ng Thailand angpagbubukas ng fourth quarter kung saan umukit ang mga ito ng mahabang 13-0 run upang makalapit sa limang puntos 68-63 matapos na patahimikin ang mga scorer ng Gilas.

Subalit sa kalagitnaan ng yugto ay muling nanaig ang mas malakas na espiritu ng Gilas at muling iniangat ang koponan matapos ang mahigit apat na minutong kamalasan at tinangay ang panalo upang maibaon sa kanilang ikalawang talo ang koponan ng Thailand.

Huling haharapin ng Gilas Pilipinas sa Group C ang koponan ng Jordan sa darating na Sabado.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *