
MATAGAL ding nasabik ang mga tagahanga ng Superstar at National Artist na si Nora Aunor, kaya marami ang natuwa na sa darating na Pebrero ay maipapalabas na sa mga sinehan ang pelikulang “Mananambal” na ilang taon na rin niyang natapos pero nauudlot ang planong pagpapalabas nito.
Bukod sa nabanggit na pelikula ay mayroon pang ilang pelikula ang Superstar, na hinihintay pa kung kailan talaga maipapalabas, tulad ng “Kobtrabida” na sinasabing isa pa rin sa napakagandang pelikula ng premyadong aktres. Ang mga natapos niyang pelikula na nasa plano pa lang kung kailan maipalalabas ay matibay na pagpapatunay kung gaano siya kasipag magtrabaho bilang artista.
Kapag nasa maayos na kalusugan si Nora, ay para siyang walang kapaguran mag-shooting ng pelikula o mag-taping kapag mayroon siyang teleserye. Sayang nga lang at nawala na ang napakaganda niyang boses para kumanta. Dahil bilang artista, sobrang sipag niya para sa kanyang showbiz career.
KC CONCEPCION, NAPANINDIGAN MAGING KAKAIBA KUMPARA SA KANYANG MOMMY
MATAGAL na rin sa sistema ng kanyang movie career, na pumipili na lang talaga si KC Concepcion sa tipo ng mga pelikulang gusto niyang gawin, kahit sabihin pa sa showbiz na ilang pelikula pa lang naman ang kanyang nagagawa, ganun din ang mga teleserye.
Gusto naman syempre ni KC sa showbiz, dahil lumaki siyang inabutan ang kasikatan ng kanyang mommy’t daddy na sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion. Kaya lang kumpara sa kanyang mommy na Megastar, si KC ay nawawalan ng panahon sa showbiz, dahil sa marami niyang pinagkakaabalahan tulad ng sarili niyang negosyo, idagdag na rin ang kanyang pagpunta-punta sa ibang bansa pati ang pagkakaroon ng lovelife.
Tutok si Sharon sa kanyang pag-aartista, sa pelikula, teleserye at pagkanta. Pang-masa ang Megastar. Si KC naman sa sobrang ganda ay parang Beauty Queen magdala ng personality lalo na kapag payat at sexy siya. Kung sabagay, nung pasukin talaga ni KC ang showbiz ay sinabi niyang gusto niyang maging iba sa istilo ng kanyang mommy na minahal ng masa.

