
HINIHINGAN ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na magbigay ng paliwanag si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kaugnay ng patuloy na pananatili ng “monster ship” ng Chinese Coast Guard sa karagatan ng Zambales, pati na rin ang insidente ng pagkaaresto sa isang Chinese spy sa Maynila kamakailan.
Sa isang panayam, binigyang-diin ni Cong. Tulfo na labis na pambabastos ng China ang ginagawa nito sa Pilipinas.
“Hindi na sila nakuntento sa pagpasok sa ating Exclusive Economic Zone, ngayon nagpapadala pa sila ng espiya,” ani Tulfo.
Dagdag pa niya, “Sigurado akong alam ng Chinese Embassy ang presensya ng kanilang espiya sa ating bansa.”
Aniya pa, “Kailangang sagutin ni Ambassador Huang kung bakit nila kailangang magpadala ng espiya sa Pilipinas, gayong sinabi niya noon na malapit na magkaibigan ang Pilipinas at China.”
Iminungkahi rin ng kongresista na dapat nang dalhin ng Pilipinas ang isyu laban sa China sa United Nations Security Council.