
“IT’S A FLOP!” hirit sa amin ng OWWA Administrator na si Arnell Ignacio nang usisain ko siya kung uulitin ba niya ang muling pagsalang sa pagtakbo sa darating na eleksyon.
Nagkaroon kasi ng panahon noon na tumakbo ito at sa kasamaang palad nga eh, natalo.
Kuntento na raw siya sa ipinagkaloob sa kanyang asignatura sa mahaba-haba na ring panahon sa pagtulong sa ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Hindi nga biro ang trabaho ng administrador na gaya niya. Na sumusundo ang ating mga kababayan na naging biktima ng sari-saring pangyayari sa ibang bansa.
Hindi lang puso at isip ang matapang kay Admin Arnell, pati sikmura. Mga bangkay na nga ang nakakaharap niya sa maraming pagkakataon. Siya pa ang taga-hatid ng masamang balita sa mga pamilya’ng uuwian ng mga ito.
Siguro, tama lang itong naisipan ng dating sexy actress na si Liz Alindogan na gawin kay Admin Arnell. Ang gawan ito ng konsyerto sa Pebrero 15 2025 sa Century Park Hotel Grand Ballroom. Isa itong breather para sa artist na gaya ni Arnell na iilan lang ‘yata ang nakakalam na produkto ito ng Repertory Philippines at kumakanta. Nagkaroon din ito ng album sa Polyeast Records.
Kaya natuwa si Arnell at nagulat na lang ng ang simpleng kwentuhan lang nila nina Liz at producer Edith Fider ay naging realidad agad.
Produkto ng sing-along bar (ang Music Box sa Timog at The Library ng Malate) si OWWA Admin kasabay ang kaibigan niyang si Ai Ai delas Alas.
Si Edith ang nagbigay ng Best Actor Award kay Arnell para sa pelikulang ‘Padre Damaso’.
At si Liz naman eh, nakasama nito sa isang Vivamax project, ang ‘Mahjong Nights’. Doon nga raw nito nakita na may comedic timing si Liz kaya nag-enjoy sila sa roles nila in the said movie.
Ngayon mukhang magsu-swak na sila into doing more shows na ipapakita pa rin ni Arnell ang singing prowess niya. Na sisimulan sa ‘Timeless… Music and Laughter’. Ayon kay Ignacio, hindi naman daw makasasagabal sa mga inaasikaao niya sa OWWA ang paggawa ng mga ganitong shows paminsan-minsan.
Isa sa mga napag-usapan during his solo media conference ay ang issue kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ito nabibigyan ng star sa ‘Walk of Fame’, na sinimulan ng foundation ni German Moreno (Kuya Germs).
Makakasama din ni Arnell sa show ang New Minstrels (5th Generation) at ang napakagaling ding si Chad Borja.
Sigurado, sa punto’ng ito, hindi na siya matatawag na flop!
