
MAGANDANG abangan kung makakalusot sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng kaparusahang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad ang sinomang public official na mahahatulan guilty ng Sandiganbayan sa kasong graft and corruption, malversation of public funds at plunder.
Sa ilalim ng House Bill 11211 o Death Penalty for Corruption Act na inakda ni Zamboanga City 1st District Rep. Khymer Adan Olaso.ay kasama ang lahat mula sa Pangulo ng Bansa hanggang sa barangay level at pati na ang mga appointees, gayundin ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines, mga nasa Judiciary, legislature at executive na mapaparusahan ng kamatayan sa oras na sila ay mapatunayan na nagksala ng walang pag-aalinlangan.
Tsk tsk tsk bilib tayo sa naghain ng panukalang ito pero sana ay may magandang kahinatnan naman ito at sana’y hindi tuliin este tagpasin ng mga kapwa niya mambabatas bago pa man ito maisabatas.
At sana hindi mga maliliit na mga local officials lamang ang gugulong ang ulo kapag umiral na ang batas na ito kundi maging parehas sa lahat at maparusahan ang dapat na magdusa.
Sa galing kasi ng mga pinoy na magpalusot at lumusot eh medyo hindi kapani-paniwala na hindi nila kayang tapatan ng kalokohan at anomalya ang anumang magiging hadlang sa kanilang mga baluktot na gawain gaya ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Madali kasing gawan ng paraan kung paanong ang pagnanakaw ay mailihim sa pamamagitan ng iba’t ibang istilo ng pandarambong na legal.
Sa bansang ito na ang pagiging pulitiko ay ginagawa nang hanapbuhay o negosyo, nababagay na magkaroon ng batas na susupil sa kanilang mga kawalanghiyaan subali’t mas maraming mahusay gumawa ng kalokohan na hindi nadudumihan ang mga kamay at pangalan.
Abangan na lang natin ang susunod na kabanata tungkol sa isyung ‘yan mga katropa!
oooo00000000oooo
Nais naman nating bigyan ng pansin ang tungkol sa isyu ng umano’y sunud-sunod na pagkawala ng mga bata na kalat na kalat sa social media lalo a sa facebook.
Sa gitna ng umano’y magkakasunod na insidente ng pagkawala ng ilang mga bata na hindi malaman kung nawawala lamang talaga o may dumudukot sa mga ito tulad ng hinala ng karamihan.
Dahil diyan ay nagsisimula na rin umanong mabahala ang mga magulang ng mga kabataang mag-aaral kung kaya’t simula ng umusok ang balita tungkol sa isyung ito ay hatid sundo na nila at bantay sarado talaga ang kanilang mga anak mula sa eskwelahan pauwi sa kanilang mga bahay.
Bagama’t putok ang balitang ito, nananatili naman na wala pa ring malinaw na kasagutan ang tanong na kung ito ba ay may katotohanan o pinakakalat lamang ng mga taong nais maghasik ng takot o manggulo sa isang lugar o komunidad.
Lahat tayo ay nababahala kapag may mga naririnig tayo o nababalitaan tungkol sa mga ganyang isyu dahil ang kaligtasan ng ating mga kabataan ang nakataya diyan kung ipagwawalang bahala lamang natin.
Pero dapat ay tiyakin muna natin kung ito ay totoong nagaganap o hindi dahil sarili din natin ang magugulo at hindi matatahimik kung patuloy lang tayong padadala sa mga hindi kumpirmadong mga balita.