
BISING-BISI ang Kamara sa mga binubusisi na impeachment complaint ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. at ang papasok pang impeachment complaint naman ni Pangalawang pangulo Sara Duterte.
At hindi lang po ‘yan…ang Senado naman po ay bising-bisi din sa isyu naman ng West Philippine Sea na pinauuusok ng ating mga iginagalang na mga senador.
Dagat…Wow! Dagat!
Tsk tsk habang ang buwayang nangurakot sa kaban ng bayan ay pansamantalang nalilimutan ng mga pinoy dahil kahit sila ay busy na rin ngayon sa pagsasalitan ng pagtutok at pakikinig sa isyu na may kinalaman sa dalawang usapin na ito.
Bagama’t may mga netizens na nagsasabing wala namang mangyayari sa pa-impeach impeach na yan dahil diumano’y scripted naman ang pagdinig na ‘yan…at halos alam na nila ang magiging wakas…no choice naman ang mga pinoy kundi tutukan at abangan kung ano ang mangyayari sa pagtalakay ng sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, pansamantalang nalilipat ang interes nila diyan na dati ay sa mga pulitiko at mga empleyado ng DPWH at mga kontratista na pumaldo sa maanomalyang flood control projects.
Pumaldo…opo. Pumaldo o kumita ng limpak-limpak sa mga proyektong ang iba o ang karamihan ay ipinaglihi sa multo
GHOSTS!
May mga ibang netizens naman na ang basa nila sa mga pangyayari ay panglito o pangbiso sa mga tao upang malipat ang kanilang atensyon sa isyung ‘yan na pagtalakay sa impeachment ng Pangulo ng bansa para makalimutan o matabunan ang isyu ng mga nakaraang nakawan sa kaban ng bayan.
At bukod nga sa isyu ng mga impeachments…ang isa pang malaking isyu …o pinalalaking isyu ay itong usapin tungkol sa kontrobersyal na ginawa ng Philippine Coast Guard spokesperson na si Commodore Jay Tarriela na naging sanhi ng pag-usok ng galit ng mga opisyal ng Chinese Embassy dito sa ating bansa kung saan ay binatikos at pinalagan ng mga Tsino ang anila’y ginawang pambabastos sa kanilang lider ng bansa.
At ang kanilang kinainitan ay itong si Tarriela dahil para sa kanila ay pambabastos sa kanilang lider ang naging aksyon nito noong siya ay napanood sa isang video na anang mga Tsino ay ginawang katawa-tawa ang kanilang Pangulo.
And believe it or not…ang isyung ‘yan ay nakarating sa Senado at nang nakarating doon ang isyu ay pinagbangayan naman ng ating mga kagalang-galang na mga senador.
Humaba ng humaba ang balitaktakan dahil muli, nahati na naman ang opinyon tungkol dito ng ating mga senador.
May mga kumampi at ipinagtanggol ang ginawa ng isang de ranggong kawal ng ating bansa laban sa mga opisyal ng Embahada ng Tsina na bumanat sa kanya at mayroon namang nagsasabi na mali ang ginawa ng spokesperson ng PCG dahil mukhang nabastos nga naman ang isang mataas na pinuno ng ating karatig na bansa.
At hindi basta bansa…kundi isang bansa na kaibigan natin at isa sa mga bansang may malaking naitutulong sa ating ekonomiya at internasyunal na kalakalan.
Tsk tsk sa sarili nating opinyon, parang nakakalito po ang nangyari dahil ang isyu ay tungkol sa pambabastos isyu sa lider ng China pero pagdating sa senado ay iba na ang kanilang pinag-uusapan at ito ay tungkol na sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Biglang pinagtalunan ng dalawang magkabilang panig ang tungkol sa isyu ng paggigitgitan ng China at Pilipinas sa laot ng karagatan.
Antagal na ng isyung ‘yan.
Panahon pa ni Pangulong Digong Duterte ay isyu na ang tungkol diyan at hanggang ngayon ay yan pa rin ang pinagtatalunan ninyo.
Aba’y nakakainggit na po kayo!
Noon pa po pinagtatalunan sa Kongreso ang tungkol sa isyu ng malawak na karagatan na yan at hanggang ngayon ay hindi pa rin yan natatapos.
Para naman po kami ay makasama sa usapan ninyo sa isyung yan ay siguro panahon na para ipaliwanag na lamang ninyo at bigyan ninyo ng tamang impormasyon ang mga pinoy …lahat ng mga pinoy upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa kung alin ba talaga ang pinag-aagawang teritoryo diyan sa laot ng karagatan at alin ang pag-aari o nasasakupan ng Pilipinas, kung alin ang nasasakupan ng China, kung alin ang nasasakupan ng Vietnam at kung alin ang sakop naman ng bansang malaysia atbp.
Para naman maintindihan ng mga ordinaryong pinoy ang inyong pinagtatalunan at para kami naman ay makasali man lang kahit sa pakikinig at makapagsabing tama si ganito at tama si ganyan.
Tsk tsk hanggang ngayon ay hindi alam ng nakararaming pilipino kung alin ba yang sinasabi ninyo na sinasakop ng China na pag-aari natin.
At alin diyan sa bahagi na yan ng karagatan kung alin naman ang walang may-ari at pinag-aagawan ng mga bansang magkakaratig diyan.
At dahil nga diyan, bahagyang nakakaligtaan ng lahat ang mga mandurugas na nandambong…nagnakaw ng limpak-limpak na salapi sa kaban ng ating bayan. tsk tsk tsk.
Debate kayo ng debate…tagal na niyan eh…di ba kaya nga kayo ibinoto dahil kayo ay matatalino tapos hanggang ngayon hindi ninyo matapus-tapos ang usapan tungkol diyan.
Kaya mga kababayan, sa 2028 elections pumili na tayo ng mabuti ng mga pulitiko na hihingi ng ating boto…’yung mga ubod ng bobo ay ‘wag na nating ihahalal. Nakakahiya …
Hayyyyssss…ito ay dagat….WOW! DAGAT!
