
PAG-ABOLISH sa dalawang kapulungan ng Kongreso…ang Senado at Kamara at gayundin ang pag-aalis sa lahat ng local legislative councils ay hindi lamang makakatipid sa panig ng gobyerno kundi mas magpapaangat sa uri ng paglilingkod ng mga nasa pamahalaan.
Ito ang binigyang-diin ng isang dating opisyal ng ARTA o Anti-Red Tape Authority na si Rabindranath Quilala,dahil para sa kanya, nagiging malaking pasanin lamang ng pamahalaan ang mga gastusin sa pagkakaroon natin ng napakaraming mambabatas partikular sa mataas at mababang kapulungan ng Kongreso gayundin sa napakaraming mga board member at konsehales sa iba’t ibang mga lalawigan at bayan sa buong Pilipinas.
Ayon kay Quilala na dating Director ng ARTA, bukod sa magkakaroon ng malaking bentahe laban sa katiwalian ang suhestyon na ito at makakatipid pa ang gobyerno ng bilyun-bilyong piso kada taon kung bubuwagin na ang pambansa at lokal na lehislatura at nasa isang trilyon naman ang matitipid kung tuluyan nang matatanggal ang political patronage system.
Sa kanyang position paper, sa kasalukuyang umiiral na multi-tiered legislative system ay nadaragdagan lamang ng malalaking gastusin at hindi lamang nagdodoble ang proseso kundi napakabagal din umano ng paggawa ng mga batas at napakalaki rin ng posibilidad para sa katiwalian.
Sa kanyang mungkahi, ang Kamara at Senado ay hahalinhan ng isang National Legislative Assembly na binubuo ng mga gobernador sa mga lalawigan at mga punong-bayan ng mga mauunlad na siyudad na mananatili pa rin na gaganap bilang pinuno sa kanilang mga lugar na nasasakupan
Sa antas ng mga lalawigan, ang mga alkalde ng munisipyo ang bubuo ng Provincial Legislative Assembly, habang sa lungsod at munisipyo, mga punong barangay ang hahawak sa lokal na lehislatura.
Sa repormang ito , tanggal na sa balota ang mga posisyon ng senador, mga kinatawan, konsehal, kagawad, at iba pang lokal na opisyal, na aniya’y makabuluhang magbabawas ng gastos sa eleksiyon.
Sa pamamagitan nito ay mas bibilis ang paggawa ng mga batas, mabawasan ang paulit-ulit na trabaho at proseso at tataas din ang fiscal efficiency ng gobyerno at mas mabilis na maipagkakaloob sa mga mamamayan ang mabilis na serbisyo ng mga opisyal ng pamahalaan na nakakasakop sa kanila.
