
Walang preno-prenong sinalungat ni Kakai Bautista ang paniwala ng karamihan na porke’t matandang dalaga o binata ang isang tao ay malungkot ang kanilang mga buhay.
Aniya, para sa kanya, okey lang ang single blessedness.
Sa guesting niya sa online show na “Your Honor”, in-address niya ang isyung ito.
“O ano pakialam ninyo kung matandang dalaga ako?,”aniya.
Hirit pa niya, ang desisyon ng isang tao na patali ay isang valid choice.
“Usually sa culture natin ang laging sinasabi, ‘Malungkot ‘yan kasi single.’ Totoo ba?” bulalas niya. “Gaganu’nin ko lang, ‘Sure ka malungkot ako?’Ano ba masama sa single blessedness? Hindi masama ‘yon, kasi choice ‘yun eh. Ibig mong sabihin masamang tao ang mga madre kasi single blessedness ang pinili nila?” dagdag niya.
Inirason pa niya ang mga taong fulfilled at successful sa kanilang buhay sa kabila ng pagiging single.
“Sila rin, ganoon ang buhay nila. Single sila forever, pero ang karelasyon nila, si Lord,” paliwanag niya.
Nagbigay din ng payo ang singer-comedienne sa mga katulad niyang single tungkol sa lovelife.
“Kasi nga guys, ang ikli ng buhay naman. Go lang nang go, pero huwag mong kalilimutang maging responsible and mahalin mo rin ang sarili mo. So dapat go nang go pero responsible,” ani Kakai.
Sa naturang episode, inilahad din ni Kakai na bukas siya kung sakaling foreigner ang kanyang magiging nobyo.
“Kasi dati, ayaw ko pang tsumika sa afam. Ngayon gusto ko nang tsumika,” hirit niya.
Inilatag din niya ang kanyang kondisyon sa mga dayuhan na susubukan siyang ligawan.
“Ang sinasabi ko lang lagi sa mga afam, if you want to date me or see me, you have to go to the Philippines. Or you have to make a way just to see me. Make a big effort,” sey ng komedyana.
Paliwanag pa ni Kakai, mahalaga ang effort sa parte ng isang foreigner dahil kung sakali, magiging long-distance ang relasyon.
Ibinahagi rin ni Kakai ang kanyang naging karanasan sa Switzerland noon kung saan may nagpakilala sa kanyang afam na nag-alok na ibili siya ng drink.
“Siyempre nagpanggap akong pakipot. ‘No, I can buy my own drink,’” sagot ni Kakai sa foreigner.
Kahit nagtuloy-tuloy daw ang kanilang komunikasyon, wala raw namang nangyari sa paramdam sa kanya dahil tila hindi naman ito naging seryoso sa intensyon nito sa kanya.
Samantala, inilahad din ni Kakai na si Piolo Pascual ang celebrity ang kanyang “pinagnanasaan.”
“Ang pinagnanasaan ko forever, Piolo Pascual. Kasi iba talaga ‘yung karisma niya tsaka ‘yung ang bait, ang guwapo,” pagtatapos niya.
