Kung may isang artista na hindi lang basta umaarte kundi may real talk sa bawat salitang binibitawan, si Marissa Sanchez na ‘yun. Siya ang isa sa mga dahilan kung bakit kaabang-abang ang pelikulang ‘Nasaan si Hesus?’—isang musical na nagmula sa entablado at ngayon ay isinapelikula upang bigyang-liwanag ang pananampalataya sa gitna ng mga tukso, problema, at korapsyon sa lipunan.
Gaganap si Marissa bilang si Mrs. Varona, ang greedy at etchoserang store owner sa ‘Nasaan si Hesus?’.
Si Mrs. Varona ay isang negosyanteng swapang. “’Yung role ko is ganid, pa-relihiyosa effect, pa-bait effect, pero actually, plastic,” diretsong sabi ni Marissa, at mukhang ito na ang isa sa pinaka juicy na role na ginampanan niya.
Ang nakakatuwa, kahit masalimuot ang karakter niya, may comedy feels pa rin ito. “Tingin ko naman meron. Kase, parang automatic na may comedy pero hindi nagko-comedy. Gusto ko talaga i-achieve ay ‘yung comedian na hindi nagpapatawa, pero nakakatawa,” dagdag niya.
At dahil natural na funny si Marissa, siguradong hindi lang siya magdadala ng drama sa pelikula kundi pati na rin unexpected humor na siguradong tatatak sa mga manonood.
Marissa is definitely on fire!
Bukod kase sa ‘Nasaan si Hesus?’, bahagi rin si Marissa ng pelikulang ‘Sosyal Climbers’, kasama sina Maris Racal at Anthony Jennings sa ilalim ng direksyon ni Jason Paul Laxamana under Star Cinema. Kitang-kita na ang kanyang versatility bilang artista—mula sa pagiging kalog sa ‘Sosyal Climbers’ hanggang sa pagiging plastic at ganid sa ‘Nasaan si Hesus?’
Dahil sa ibang issues sa showbiz, naitanong ng Pinoy News Channel kay Marissa kung tatanggapin ba niya ang isang role sa kontrobersyal na pelikulang ‘The Rapists of Pepsi Paloma’ (TROPP) kung sakali siyang kunin. Ang kanyang sagot? A big NO!
“Parang hindi. I’m very close to Mommy Chat and Pauleen Luna. And para sa akin, nasasaktan ako for the family, actually for Thalie and for baby Pochi,” sagot ni Marissa.
Bukod pa rito, tinanong din siya kung close ba sila ni Direk Darryl Yap, na kilala sa kanyang mga matapang at minsan ay kontrobersyal na pelikula. “Hindi ko siya (Direk Darryl) kilala personally. Of course I know him, pero hindi ko siya kilala talaga personally,” aniya.
Isa sa mga mahahalagang tema ng ‘Nasaan si Hesus?’ ay ang korapsyon sa pulitika, lalo na ang isyu ng bilihan ng boto. Para kay Marissa, hindi lang dapat ang mga politiko ang sinisisi kundi pati na rin ang mga botante.
“Dun sa mga bumibili ng mga boto, mga politicians na bumibili ng mga boto, hindi mo rin sila masisi kase ang tao talaga, they will not vote for you because you’re a good man, you’re an honest politician. No, they will vote for you dahil sa nakukuha nila. So, hindi mo pwede isisi lahat ang kasalanan sa politician, sisihin mo rin ‘yung mga taong bayan na bumoboto,” patuloy na spluk ni Marissa.
Isa itong brutal but honest na pananaw mula kay Marissa, at walang duda—may punto siya!
Bakit nga ba dapat panoorin ang pelikulang ‘Nasaan si Hesus?’
Ayon kay Marissa, hindi lang basta pelikula ang ‘Nasaan si Hesus?’ kundi isang testimony para makilala si Kristo sa isang personal at makatotohanang paraan. “Ako, the only excitement that I feel about this movie is that, it’s going to be a good testimony for people to know Christ in a personal way and in a truthful manner,” wika niya.
Sa isang mundo kung saan kaliwa’t kanan ang tukso, kasalanan, at korapsyon, ang ‘Nasaan si Hesus?’ ay isang paalala na hindi tayo nag-iisa sa ating laban. At sa likod ng mga seryosong mensahe ng pelikula, siguradong magbibigay ng extra spice si Marissa Sanchez bilang ang plastic pero nakakatawang Mrs. Varona.
Kaya naman, mga kaps at mga nini, huwag palampasin ang pelikulang ito! Kung gusto mong matawa, maantig, at mag-isip kung nasaan nga ba si Hesus sa buhay mo, then this movie is for you!
Ang ‘Nasaan si Hesus?’ ay produced by Balin Remjus, Inc. and Great Media Productions, Inc. Ang original play ay isinulat ng yumaong Nestor U. Torre, na may music at lyrics ni Lourdes “Bing” Pimentel.
Ang ensemble cast ay binubuo ng mga batikang singer at aktor mula sa teatro, recording, at pelikula, kabilang sina Rachel Alejandro, Jeffrey Hidalgo, Janno Gibbs, Rachel Gabreza, at Geneva Cruz.
Ang pelikula ay isinulat at idinirek ni Dennis Marasigan, na matagal nang pinag-isipan ang proyektong ito. “It was in 2018 when we first started talking about this project. Before we could finish the script, the pandemic hit,” ayon kay Marasigan sa kanyang panayam sa Pinoy News Channel.
Samantala, ang musical direction ay nasa kamay ng batikang musical director na si TJ Ramos.