
HALOS ilang taon na rin tayong hindi nakakakita ng nakakabuwisit na rally ng mga militanteng grupo, mga estudyante at maka-kaliwang pagkilos na hindi lamang nakakaabala sa kalsada kundi nakakaumay at talagang nakakabuwisit dahil walang katapusan ang kanilang pagrereklamo sa pamamalakad ng pamahalaan.
Wala nang mabuting gobyerno para sa kanila.
Mapayapang kalsada.
Matrapik na mga kalsada ngunit tahimik at walang sagabal na mga raliyista.
Ngayong ang bansa ay nasa panahon ng matinding kahirapan sanhi ng napakataas na halaga ng mga bilihin…lahat ng bilihin. Hindi lang po bigas Department of Agriculture,( Hindi lang food security emergency para sa bigas ang kailangan ninyong ilunsad kundi para sa lahat ng pagkain na ibinebenta sa palengke…ultimo paminta at asin.) ang karagdagang pasanin ng mga mamayan ay ang mababang sahod at kakulangan ng hanapbuhay.
Bagsak ang piso, lahat ay mataas maliban sa mga unano…tapos ay patuloy ang pag-aaksaya ng pera ng bayan sa mga buwisit na imbestigasyong walang kapararakan na sa halip na pagtutulungan ng lahat partikular ang mga mambabatas na kinatawan ng bawat bayan at mga lungsod sa bansa at mga halal na senador upang maibsan ang kahirapan at mabawasan ang pagdurusa ng kanilang mga kababayan sa mataas na halaga ng bilihin ay pulitika ang mga inaatupag.
Nami-miss natin ngayon yung mga gaya ng Gabriela, Bayan Muna, Akbayan na yan kung nasan sila at bakit hindi nagrereklamo gayong napakaraming dapat ireklamo ngayon sa takbo ng pamamalakad sa ating pamahalaan.
Na dahil sa sobrang bait ng naihalal na pangulo ay bayan ang nagdurusa bunga ng mga epal at pabigat sa bayan na mga nakapaligid na walang ibang nais gawin kundi ang makakurnit sa pera ng bayan gamit ang kani-kanilang makapangyarihan puwesto sa pamahalaan.
May isang rally na ginawa…National Rally for Peace na dinaluhan ng milyong mga pinoy na ang karamihan ay mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Ang panawagan nila ay pagkakaisa at tigilan na ang bangayan ng mga political leaders at mga pangunahing pinuno at mambabatas ng bansa upang hindi makasagabal sa ating bahagyang pag-angat mula sa paghihirap ng mga mamamayan.
Maging ang pangulo ay tumututol sa ginagawang mga paghahain ng impeachment complaint laban sa ating pangalawang pangulo dahil aniya’y wala namang mapapala ang mga pilipino sa ganyang mga hakbang.
Bahagyang nanahimik at nauga ang mga mambabatas at ilang sektor na nagsusulong ng nabanggit na impeachment.
Pero kumbaga sa mainit na pares at loming batangas, pinalamig lang muna ng konti ang sabaw para mas masarap higupin, dahil halos ilang araw pa lamang pagkatapos ng panawagang pagkakaisa ay umarangkada na naman ang mga pagsusulong ng impeachment, mga pag-atakeng pulitikal ng magkabilang panig at nagpapatuloy pa rin ang BULIHAN sa kamara.
Hindi po sila naglalala ng BULI.
Ang nilalala po nila ay ‘yung mga resource person na kapag ayaw sumagot o hindi nila gusto ang sagot ay kanilang ipinakukulong.
Mga kinawatan este mga kinatawan na ito oo, sabi ni Mang Pedring.
Mabalik tayo sa mga rally, kahapon ay may magkahiwalay na rally na isinagawa.
Mga pagkilos na ang layunin ay isulong o ipagpatuloy ang pagpapatalsik o impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Tsk tsk dumadami na talaga ang gago sa mundo…patatalsikin ang pangalawang pangulo dahil sa anila’y sablay na paggasta ng kanyang confidential fund.
Ang confidential fund na tulad ng intelligence funds ay hindi naman kailangan ang resibo.
Confidential nga, mga gago!
Kahit sinong matino ang isip at nakakaintindi lalo na ang mga abogado, ang confidential funds ay hindi dapat na iniimbestigahan.
Saka trabaho ng COA yan.
Ibigay natin sa tamang ahensiya ang pag-usig sa mga ganyan.
Wala na bang ibang mga rally na magaganda?
Magaganda ha…hindi ‘yung mahahaba ang BABA!
Nakakasawa!
Mga sindikato o cartel ng bigas, gulay at mga pangunahing bilihin ang kaladkarin n’yo jan sa kongreso para matuwa sa inyo ang taong-bayan.
‘Yun ang imbitahan ninyo at siguradong magbabago ang imahe ninyo sa mga pinoy.
Hindi ‘yang malapit na naman kayong humirit ng boto eh wala naman kayong malinaw na natatarbaho.
O hayan, yun ginawa ninyong budget para sa ating bansa…na kahit si presidential sister Sen. Imee Marcos ay ayaw payagan na mapirmahan noon ng kanyang kapatid ang aniya’y mga kulang-kulang o hindi kumpletong papeles para diyan.
O, di ba kasama ngayon ang pangulo sa sumasakit ang ulo dahil pati siya ay apektado ng mga negatibong balita tungkol sa national budget na yan na nakarating hanggang sa korte suprema.
Tapos ang gusto ninyong imbitahan sa susunod ay ‘yung mga vloggers na sinasabi ninyo na mga nagpapakalat ng fake news.
DIYOSKOPO!!!
Sa dami po ng mga nagpapakalat ng fake news sa social media ay baka mapuno ang upuan ninyo kapag ipapatawag n’yo ang mga ‘yan.
Saka anlaking trabaho niyan kung sila ay iisa-isahin ninyo para imbitahan sa house.
Siyempre, kailangan muna ninyong alamin kung siya nga ay nagpapakalat ng fake news sa pamamagitan ng pagtutok sa kanyang mga ina-upload sa youtube, sa facebook o saan man.
Biruin ninyong budget ang uubusin niyan eh samantalang ang hirap gawan ng batas niyan.
Tatawid kayo tiyak sa linya na napakakitid na nasa pagitan ng kalayaan sa pamamahayag at maling pamamahayag.
May batas na po tayo tungkol diyan di ba?
Cyberlibel.
Idemanda na lang kung may nagpapakalat ng fake news.
Si Bossing Vic Sotto ay isang sampol na nagsampa ng reklamo laban kay Darryl Yap dahil para sa kanya ay isang fake at malisyosong issue na ang nadadamay at nayuyurukan ay ang kanyang pangalan at karapatan bilang tao.
At korte na ang bahalang magdesisyon tungkol diyan.
Maraming dapat unahin ang kongreso.
Dagdag gulo ‘yan kapag namili lang kayo ng mga vloggers na gusto ninyong imbitahan diyan.
Kayo na naman ang masisilipan at kukuwestyunin na bakit sila lang ang ipinatawag at sila ganito ay hindi.
Mukhang may tinitingnan at may tinititigan.
Ts tsk tsk.
Dun na lang tayo sa pagkakaisa…hayaan nating pumuna ang mga mamamahayag o kahit mga vloggers.
Trabaho nila yan eh.
Gumawa kayo nang maayos at mabuti para di kayo mabanatan.
Saka kung ayaw ninyong nauupakan ay wag kayong pumasok sa pulitika at magtrabaho sa gobyerno.
‘Yung mga talagang fake news lang ang mga ginagawa ay sampahan ng kaso ng mga taong apektado lalo na ng ating mga mambabatas na sa tingin nila ay sila ang tinutumbok ng mga maling balita.
Hindi naman lahat ng ating mga kongresista ay masasama.
Dami rin diyan na matitino…mas nakikita lang ‘yung mga mali ang ginagawa kasi sila yung madadalas na napapanood.