
DINOMINA ng Minnesota Timberwolves ang kabuuan ng Game 2 at sinamantala ang pagkawala ni Stephen Curry na kasalukuyang nagpapahinog ng kanyang injury at itinabla ang kanilang serye (1-1) sa semifinals ng Western Conference ng National basketball Association (NBA) sa Target Center.
Mula sa 13-0 sa unang mahigit apat na minuto sa first quarter ay hindi na muli pang nilingon ng Minnesota ang Golden State kung saan buong gilas na dinomina ng Wolves ang tropa ni Draymond Green kung saan umabot pa sa 22 points ang kalamangan ng una, 46-24 may 3:34 pa sa 2nd quarter.
Hindi na nagawa pang matibag ng Warriors ang 85-65 na agwat na naiposte ng Wolves sa pagtatapos ng third quarter at tuluyan nang hinablot ang panalo, 117-93 upang makaempate sa serye.
Mahigpit na depensa ang ikinapit ng Minnesota at pinahirapan sa pagsipat ang mga tirador ng warriors na nagresulta sa pangangapa nila sa opensa kung saan ramdam na ramdam ang pagkawala ng kanilang pambato na si Curry.
Matatandaan na ang unang game sa serye ay kinuha ng Warriors, 99-88 sa pamamagitan ng eksplosibong opensa at sobrang higpit na depensa na hindi kinaya ng Wolves.