TULAK NG DROGA, TIMBOG SA BUY-BUST OPERATION SA CALOOCAN CITY


UMAABOT sa P340,000 halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa isang notoryus na tulak ng iligal na droga na sinasabing Number 1 priority personality on illegal drugs sa Regional level matapos na maaresto ito sa ikinasang drug buy-bust operation ng  Caloocan City PNP kahapon.


Ang suspek ay kinilala ni Caloocan Police Chief Col. Samuel Mina Jr. na si Noe Ariate, 26-anyos, residente ng 347 Marulas A Brgy. 36 ng nabanggit na lungsod na naaresto matapos kumagat sa isang 45,000 deal ng shabu kung saan isang pulis mula sa Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Intelligence Section (IS) ang nagpanggap na buyer ng nabanggit na halaga ng shabu.  

Nabatid na isinagawa ang naturang buy-bust operation bandang alas 2:50 ng madaling araw sa bahagi Raja Soliman St. Brgy.37 ng pinagsanib na puwersa ng SDEU at IS sa pamumuno ni P/Maj. Rengie Deimos at P/Capt. Deo Cabildo.


Matapos na kunin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer ay agad na dinakma ng mga awtoridad ang suspek kung saan nakuha mula sa kanya ang may 50 gramo ng shabu na may street value na P340,000 marked money na may isang genuine na 1,000 peso bill at 44 pieces boodle money.


Nagpahayag naman ng papuri sa mga operatiba ng Caloocan SDEU at IS si Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan dahil sa kanilang matagumpay na operasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *