DOBLENG PAGHAHANDA NG PGH SA PAGTAAAS NG KASO NG DELTA VARIANT, KASADO NA

DOBLENG paghahanda na ang ipinapatupad ng Philippine General Hospital (PGH) sa posibleng pagtaas o pag-surge ng mga coronavirus disease (COVID-19) cases dahil sa pagsisimula nang pagkalat ng Delta variant.

Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, naghahanda na sila sa posibleng surge na dulot nang pagkalat ng Delta variant na pinaniniwalaang mas nakakahawa at mas mabilis kumalat sa katawan.

“Ngayon po 105 ang naka-admit sa aming confirmed COVID case out of our 250 beds. Pero ‘yung ICU namin puno dahil may mga severe cases po kaming na-admit at hindi na po bumaba. Inaabangan namin maaaring sumipa ito in a few weeks’ time as predicted by OCTA Research,” saad ni Del Rosario.

Dagdag ni Del Rosario, ang pag-replenish sa kanilang oxygen supply ang isa sa kasalukuyang ginagawa ng ospital. “In anticipation ‘pag dumami na, ang ginagawa namin nire-replenish po namin ‘yung supply. ‘Yung mga oxygen ports na sinigurado naming gumagana, nagdagdag kami ng ilan. ‘Yung mga high-flow oxygen machine nire-ready na ulit dahil ‘yan ang in demand ‘pag may surge, marami ang nangangailangan. Sa ngayon po, naka-ready ang supply namin doon po with regards to oxygen,” ani Del Rosario.

Sa kabilang banda, ikinatuwa naman ni Del Rosario ang impormasyon na 90 porsiyento ng kanilang health care workers ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.

“Malaking bagay po ito dahil kung dumating na naman ang time na ito na naman, magkaroon tayo ng surge, at least ‘yung aming health care workers may protection,” sabi niya.

Dagdag pa ni Del Rosario na nagkaroon din sila ng breakthrough infection o mga fully-vaccinated na tinamaan pa rin ng COVID-19.

“Pero magandang balita doon mild lang sila, asymptomatic. Wala pong na-aadmit na severe, nasa ICU na critically-ill,” dagdag niya.

Bilang proteksiyon naman sa natitirang kawani na hindi pa bakunado, sabi ni Del Rosario na inilalagay muna sila sa mga low risk area ng ospital.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *