EL NINO NA NAMAN!

EL NINO NA NAMAN!

SA kabila ng patuloy na pagbuhos ng ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao kung saan grabeng baha at landslide ang dinaranas ng ating mga kababayan na sinasabing dulot ng shear line, may isa pang malaking problema ang inaasahang mararanasan natin sa mga susunod na buwan na dulot naman ng El Nino.

Ngayon pa nga lamang ay parang ramdam na natin ang sampol ng manaka-nakang pag-init ng panahon kung saan paminsan-minsan ay nagiging maalinsangan na rin ang paligid.

Ilang araw na rin namang matindi ang nararanasan na init dito sa Metro Manila habang sa ilang malalayong lugar ay malamig pa rin at maulan.

Ayon sa PAGASA ay posibleng umabot sa 36.5 degrees Celcius ang maramdaman natin sa susunod na buwan kung saan posibleng sa mga lugar na malalamig gaya ng Northern Luzon ay posibleng umaabot umano ang temperatura sa 40 degrees Celcius.

Tsk Tsk ang normal na temperatura dito sa Pinas ay 37 degrees kaya ang ganitong pagtaya ay talagang makakaapekto sa pang-araw-araw nating pamumuhay na magsisimula umano sa susunod na buwan.

Wag na sanang sabayan ito ng problema sa tubig sa mga siyudad at mga magkakaratig na lalawigan dito sa paligid ng Metro Manila dahil tiyak na mas magiging malaking problema ito.

Bukod sa maalinsangan na panahon ay posibleng maapektuhan din ang mga panananim ng ating mga kababayang magsasaka.

Ang tagtuyot ay ang isang pinakamahirap na kalaban ng ating mga kababayan na magsasaka.

Lugi na nga sila sa mga nakalipas na mga panahon eh bigla pa silang tatamaan ngayon ng ganyan ay huwag naman po sana.

Umasa na lamang po tayo na mapaghandaan ang bagay na ito ng ating pamahalaan.

Sana’y maihanda nila nang maayos ang mga kinakailangan na gawin upang kahit paano ay mapigilan na maging mas malaking problema ang pagdating ngayong taon ng El Nino.

Habang tuloy pa rin ang bangayan ng Kamara at Senado ay ito ang mga kinakaharap ng mga mamamayang pilipino bukod pa sa mataas halaga ng mga bilihin.

Magtrabaho muna kayo mga boss bago po kayo mag-aya ng sayawan…CHA-CHA BA!

( Para sa inyong reklamo o suhestiyon tumawag o magtext sa 0950 151 1929)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *