MARICEL SORIANO, MAGALING UMARTE

MARICEL SORIANO, MAGALING UMARTE

May be an image of 1 person, harp and text

NAKAKALUNGKOT yong kontrobersiyang pagdawit ng pangalan kay Maricel Soriano at pag-iimbita sa kanya sa Senado para sa pag-iimbestiga na may kinalaman sa droga. Hindi siyempre talaga kumportable ang Diamond Star, dahil nakakagulat talaga kung artista ka na maimbitahan sa Senado at magsalita tungkol sa mainit na isyu. Kung kontrobersiya sa showbiz, dahil dito na lumaki at nagdalaga si Maricel ay kayang-kaya niyang bumuwelta ng sagot sa mga katanungang pang-showbiz, dahil prangka siyang artista at diretsong magsalita. Pero iba kapag tungkol na sa pulitika, lalo pa’t nadadamay din kahilera ng kanyang pangalan ang pulutikong kilala sa lipunan at may mataas na katungkulan.

Grabe ang ipinupukol ngayong intriga kay Maricel pagkatapos niyang humarap sa Senado. Nariyan ang bintang na diumano’y inalok siya ng napakalaking halagang 250 hanggang 300 million para lang diumano’y manahimik at mabusalan na huwag magsalita tungkol sa kontrobersiya. Habang nahihirapan ang kalooban ng Diamond Star ay nilalait at pinagbibintangan siya sa social media na akting na akting daw ang pagharap sa Senado, dahil magaling daw siyang umarte.

nang maging loveless… KIM CHIU, MAS HUMABA ANG HAIR

PATULOY pa rin siyempre ang ginagawa ni Kim Chiu na paglimot sa naunsiyami nilang relasyon ni Xian Lim. Matapang siya at kaya na niya ang sitwasyon, dahil ilang buwan na rin naman iyon. Lalo pa’t nag-anunsiyo na nga si Xian tungkol sa bago niyang karelasyon. Tatlong nagguguwapuhang lalake ngayon sa showbiz ang hinihinalang nag-aabang kung kailan pupuwede na ulit si Kim magmahal, para magparamdam na sila ng panliligaw sa chinitang aktres. Nariyan ang biglang sumikat na si Attorney Oliver Moeller na kakaiba ang ngiti kapag binabanggit si Kim. Nariyan din si Paulo Avelino, na malapit na rin sa aktres dahil sa ilang ulit na nilang pagsasama sa teleserye. Nariyan din si Jake Ejercito, na sobrang bagay din kay Kim. Binatang-ama ang aktor, pero matagal na rin siyang walang karelasyon kaya gusto nang manligaw. Kaya lang, sa dami ng trabaho ngayon ni Kim at mga nagdaan at kasalukuyang pagod na nararanasan, kasama na ang pag-iingat sa susunod na bagong pakikipagrelasyon ay sino kaya kina Oliver, Paulo at Jake ang makakapagpaamo at magpapalambot sa puso ni Kim para magmahal na ulit ang magandang aktres, pagkatapos nitong lumuha dahil kay Xian Lim?

DIWATA, INUULAN NG SUWERTE HABANG SI MURA AY MULI NASUNUGAN NG TINITIRHAN

NAPAKASUWERTE sa nga panahong ito nina Diwata at ng dating sumikat na komedyanteng si Mura. Maraming nagsimpatiya kay Diwata dahil sa pinagdaanan niyang mga hirap ay kabiguan sa buhay. Naranasan niyang laiti ng mga tao, pagmalupitan at ang mawalan na tirahan. Si Mura naman, sunod-sunod ang malungkot na karanasan, napilayan pa siya noon, at dahil nasa malayong probinsiya at malayo sa showbiz ay hirap siyang maabot ng tulong o pagdamay. Sa dami ng natuwa sa biglang pagsikat ni Diwata at pag-asenso ng kanyang negosyong Pares ay maraming dumating na tulong sa kanya, katulad ng bigay sa kanyang house and lot, pera ay iba pang produkto mula sa kilalang pilantropo at social media influencer na si Madam Rosmar Tan. Grabe ang iniluha sa tuwa ni Diwata sa kagandahang-loob ni Madam Rosmar. Si Mura naman nitong huli ay nasunugan ng bahay at nawalan ng matitirhan. Sa pangalawang pagkakataon ay tinulungan siya ng pilantropo at social media influencer na nasa likod ng Virgelyncares 2.0 na maraming natutulungan. Dating nagkaroon ng gap sina Mura at Virgelen, pero ipinangako sa sarili ng pilantropo na lagi pa rin niyang dadamaya si Mura.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *