MERALCO BOLTS, NILIGWAK ANG BEERMEN

SINIKWAT ng Meralco Bolts ang unang upuan sa semifinals ng PBA Governors’ Cup matapos payukurin ang San Miguel Beer, 100-85 sa kanilang quarterfinal match sa Smart Araneta Coliseum.

Ang Bolts na may taglay na twice-to-beat advantage ay sumabay lamang sa mabilis na galaw ng San Miguel Beer sa first quarter at nagawang maitabla ang iskor sa pagtatapos ng yugto.

Nagsimulang umarangkada ang mainit na opensa ng Bolts sa gitnang bahagi ng second quarter at nakapag-ukit ang tropa ni coach Norman Black ng walong puntos na agwat, 48-40 sa pagsasara ng first half.

Subali’t ang mala-halimaw na laro ng Meralco import na si Tony Bishop ang nagpalobo sa kanilang kalamangan sa third quarter na umabot pa sa 21 puntos, 74-53 kung saan nakapagbuhos siya ng 18 puntos sa kabuuan ng yugto.

Si Bishop ay nakagawa ng 32 points at 15 rebounds habang may naiambag namang 22 points at 7 rebounds si Chris Newsome.

Ang Beermen na naglaro na parang wala sa kundisyon ay hindi na nagawang mailapit man lamang ang iskor hanggang sa dulong bahagi ng final quarter na tuluyang tumapos sa kanilang pag-asa upang makaabante sa susunod na round ng liga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *