MAGNOLIA, PASOK SA SEMIS

PINASADSAD ng number one team na Magnolia Hotshots ang ikawalong team na pumasok sa quarterfinals na Phoenix Super LPG, 127-88 sa kanilang una at huling pagtutuos sa ikalawang round ng PBA Governors’ Cup upang makuha ang ikalawang slot sa semifinals.

Ang Hotshots na maagang kinakitaan ng sipag, determinasyon at enerhiya sa pagsisimula pa lamang ng laban ay lumamang agad ng 23 puntos, 66-43 sa huling minuto ng second quarter na tinampukan ng pagpapaulan ng mga puntos ni Paul Lee na nakapag-ukit ng 20 points at 5 rebounds sa kabuuan ng first half.

Buhat doon ay hindi na nakamulat pa ang Phoenix at lalo pang diniinan ng Hotshots ang kanilang opensiba sa third quarter na tuluyan nang nagpalayo sa agwat ng kanilang iskor sa 102-67.

Nagawa pang mapaabot ng Hotshots ang kanilang kalamangan sa 45 puntos, 120-75 patungo sa huling limang minuto sa final quarter na halos nagpalinaw na sa tagumpay ng Magnolia na nakatakdang makipagtuos sa Meralco Bolts na una nang nagwagi kontra San Miguel Beer sa kanilang laban.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *