Walong Chinese nationals ang inaresto ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) dahil sa umano’y operasyon ng online phishing sa Parañaque City.
Ang mga suspek, na kinilalang sina Xiao Li, Chuan Zi Gao, Ming Ru Li, Wen Shu Liu, Qui Shun Li, Cai Li Pan, Changfu Liu, at Zhang Zhen Hong, ay isinailalim na sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutors’ Office. Samantala, nakakakalaya pa ang isa pang suspek, si Hwang Xiaobin, na kasama rin sa reklamong paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act, partikular sa Section 4(b)(1) ukol sa Computer-Related Forgery, at Republic Act 12010 o The Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA).
Ayon sa NBI, batay sa kanilang intelligence report, ang grupo ay sangkot sa iba’t ibang modus tulad ng investment fraud, crypto asset/currency scams, romance scams, identity theft gamit ang social engineering, at iba pang digital communication schemes.
Matapos ang surveillance operation ng NBI kasama ang isang informant, nag-aplay sila ng search warrant sa Parañaque City Regional Trial Court noong Enero 14 laban kay Hwang Xiaobin at iba pa. Noong Enero 17, sinalakay ng NBI-NCR ang establisyemento sa Parañaque, kasama ang mga kinatawan mula sa Digital Forensic Laboratory (DFL), at nakumpiska ang mga laptop at desktop.
Sa isinagawang onsite examination ng DFL, natagpuan ang mga transcript template na ginagamit sa phishing at social engineering schemes ng grupo upang nakawin ang mga sensitibong impormasyon ng iba. Natukoy rin ang mga transaksiyon kaugnay ng crypto currency scams.