

HINDI lang naman ang makulay na lovelife ngayon ni Sunshine Cruz ang dahilan kung bakit napakasaya at magaan ngayon ang takbo ng kanyang buhay. Marami kasing magandang mga pangyayari sa buhay ng maganda at seksing aktres na noon ay ipinagdarasal lang niya na matupad, pero ngayon ay nag-aani na siya ng mga katuparan.
Nagkahiwalay man sila ni Cesar Montano, pagkatapos ng ilang taon ay mas naging maganda ang respetuhan nila bilang mga magulang ng kanilang tatlong anak. May iba nang partner si Cesar, na sa mga piling okasyon at pagkakataon ay nakakaharap at nalakausap din ni Shine.
Basta’t para sa kapakanan ng kanilang mga anak, katulad kung sino sa kanilang mga anak ang magdaraos ng birthday ay nakakasama nila si Cesar, na sobrang ipinagpapasalamat ni Sunshine na nagpapasaya sa tatlo nilang anak.
Katulad nitong huli, nang gumradweyt ng College ang panganay nilang anak na si Angelina. Muli nilang masayang nakasama si Cesar sa celebration.
Positibo talaga ang dating nang ginawa ni Sunshine na sa kainitan sa isyu ng hiwalayan nila noon ni Cesar, ay hindi niya tinuruan ang tatlo nilang anak na mamuhi sa kanilang daddy habang sila’y lumalaki. Mabuting ina si Shine.

COCO MARTIN, MARAHIL AY NAPATAWAD NA SI KATHERINE LUNA
HABANG nagpapatuloy ang kasikatan ni Coco Martin ay unti-unting nabura ang isyu tungkol sa kanila ng dating mahusay na aktres na si Katherine Luna, na umano’y naging karelasyo niya nung baguhan pa lang siya sa showbiz.
Nahagilap at napakaganda ng naging interbyu ni Julius Babao kay Katherine, na kaya pala nawala sa showbiz ay dahil ilan taon ding nasa piitan. Sobra pa dyan, kahit nakalaya na mula sa piitan ang dating aktres, ay hindi pa rin siya makapagbalik-showbiz, dahil may diperensiya ang isa niyang mata, kaya laging may takip ngayon at kailangan ng operasyon.
Sa panayam ni Julius sa dating aktres, ay mas maiintindihan ngayon ang panig ni Katherine kung bakit hindi agad noon naging malinaw ang lahat kung si Coco nga ba o hindi ang tunay na ama ng dalaga na niyang anak ngayon na si Nicole.
Sa panahong hindi pa talaga klaro ang lahat, ay napagbuntunan ng maraming paninisi at intriga si Coco. Diumano’y iresponsableng daddy ang bida sa teleseryeng “Batang Quiapo” ng Kapamilya Network.
Happy si Katherine sa nangyaring sobrang kasikatan ni Coco ngayon sa showbiz at sa larangan ng telebisyon. Sana lang daw, anuman ang mga mali noon na hindi naitama ay mapatawad siya ng sikat na aktor. Sa tagumpay at pagiging mabuting tao ni Coco, marahil ay mapapatawad niya rin si Katherine.
