
MUKHANG may katwiran ang isang kongresista na nagrekumenda na dapat umanong kumuha ng congressional franchise ang Facebook o Meta bago sila mag-operate dito sa ating bansa.
Ayon kay Rep. Johnny Pimentel, bukod sa hindi nagbabayad ng tamang buwis ang Meta ay binabalewala rin nito ang panawagan ng gobyerno na i-take down ang fake news at disinformation.
Idinagdag pa ni Pimentel na napapanahon na aniya na magkaroon ng naturang regulasyon dahil sa katigasan ng ulo ng Meta na patuloy na tinatanggihan ang pagtatanggal ng beripikadong fake content.
Maging ang inisyu na memo ni Executive Secretary Lucas Bersamin na nag-uutos upang alisin nila ang mga fake news at mga maling impormasyon ay hindi nila iniintindi.
Dahil sa pagkalat ng mga fake news sa halos araw-araw sa social media na karamihan ay sa Youtube, Instagram at Facebook nakikita ay marahil may punto ang mambabatas upang magkaroon ng paghihigpit ukol diyan.
Kung tutuusin madali lang naman mapatunayan kung ang isang balita ay malisyoso, hindi totoo at mapanira lamang.
Pero dapat ay magkaroon ng tamang pagsusuri at pagtitimbang kung alin ba talaga ang totoong fake news at ang hindi.
Kasi kadalasan, kapag hindi pumapabor sa isang tao ang isang balita ay tinatawag din nila itong fake news lalo na kung laban ito sa kanila o nakakapekto sa kanila kahit totoo naman pala.
Kung aaksyunan ang tungkol sa paglalaglag o pagtatanggal ng mga istorya na may mga maling detalye o impormasyon ay dapat ito ay may matibay na ebidensiya para patunayan na ito nga ay isang maling balita o isang fake news.
Ang isang malaking problema diyan ay mukhang walang plano ang Meta para tumalima sa kahilingan ng pamahalaan.
At may kakayahan ba ang pamahalaan para pasunurin o pilitin ang Meta upang gawin ang nais nila o ang kanilang kahilingan para salain ang mga nalalathala sa Facebook na mga maling impormasyon at gayundin para tumalima kung sakali sa rekomendasyon na kailangan magkaroon muna sila ng prangkisa bago magpatuloy sa kanilang operation dito sa Pilipinas.
Ang tanong diyan ay ano ang kayang gawin ng ating gobyerno upang mapigilan ang Meta sa kanyang malayang operasyon kung saan ang Pilipinas ang itinuturing na pinakamalaking market nila sa Southeast Asia na mayroong mahigit 90-million users.
Hmmmn…kung ito nga ang posibleng maging kasagutan sa malalang pagkalat ng mga maling impormasyon sa Facebook at Instagram paano naman ang ibang platforms na hindi sakop ng Meta na madalas ay nagiging salukan din ng fake news at disinformation?
Mukhang mas maigi ang naisip na yan kaysa tugisin ng tugisin ang mga vloggers na sinasabing nagpapakalat ng mga fake news.
Bukod kasi sa hindi naman sila aamin ay hindi rin naman aamin ang mga mambabatas kung totoo o hindi ang mga sinasabi ng mga ito tungkol sa kanila.
Ganun lang naman ‘yan!
Matagal nang nagiging araw-araw na isyu ang tungkol sa fake news na bukambibig na ng ating mga kababayan kung kaya’t para maubos na ang mga yan ay dapat na nga sigurong simulan ang paghihigpit upang mahinto na ang mga yan.
Pero ano nga ba ang kayang gawin ng gobyerno tungkol diyan?
Kasi sinasabi nga nila na madalas ay sila ang nabibiktima ng mga fake news.
Sige nga, subukan nga ninyong higpitan yan nang hindi nasasagasaan ang kalayaan sa pamamahayag at freedom of expression.
Pero yang congressional franchise…uubra kaya yan?