
Buong pagmamalaking inihayag ng The Revival King na si Jojo Mendrez ang kanyang kasiyahan sa pakikipag-sanib-pwersa niya sa PMPC Star Awards Inc. bilang bagong producer ng 42nd Star Awards for Movies at 39th Star Awards for Television, na parehong gaganapin ngayong taon.
“I love you, PMPC. Isa itong malaking oportunidad na makatulong sa ating industriya lalo na sa ating mahal na mga kaibigan sa PMPC.
“Matagal na akong nagpo-produce. Masyado akong hands on, metikuloso pagdating sa production. Kaya maganda yung pagsasanib-pwersa ng PMPC at ng aking kompanya para mas maging exciting, mas maging maganda ang gagawin nating PMPC events – ang PMPC Star Awards for Television and for Movies.
“Thank you so much po kay Fernan (de Guzman, President), kay Rodel (Fernando, Vice President), at sa inyong mga taga-PMPC,” sabi ni Mendrez sa ginanap na contract signing sa pagitan niya at ng PMPC noong Pebrero 16 sa SuperSam restaurant, Scout Tobias, Quezon City.
Bukod kay Mendrez, present din sa contract signing ang kanyang abugado na si Atty. Pauline Dolor Apostol Advincula, ang PMPC Star Awards Inc. President na si Fernan de Guzman, Vice President Rodel Fernando, kasama ang iba pang PMPC officers na sina Eric Borromeo, Mildred Bacud, Boy Romero, Jimi Escala, Joey Austria, Evelyn Diao, Glen Sibonga, at board members na sina John Fontanilla, Leony Garcia, Melba Llanera, Mell Navarro, Rommel Placente, at Francis Simeon. Sumuporta rin sa event ang staff ni Mendrez at kanyang management team mula sa Artist Circle ni Rams David.
Nagpasalamat naman si PMPC President Fernan de Guzman kay Mendrez sa pagsasanib-pwersang ito.
Ayon kay De Guzman, “Salamat sa pagtitiwala sa amin. Sana maging maganda ang pagsasama natin, simula ito ng maganda nating samahan. Sana maging successful ang lahat.”

