

Tungkol sa girls love ang pelikulang “I Fell, It’s Fine” na iprinudyus ng Wide International Film and Entertainment nina April Martin at Pauline Publico.
Ayon sa beterana at multi-award winning actress na si Elizabeth Oropesa na kasama sa cast ng pelikula, sa totoong buhay daw ay naranasan na niyang ligawan ng kabaro niya.
“Noong time ko, marami,” pakli niya.
Nagbalik-tanaw din siya sa kanyang mga naging karanasan noon sa mga nagparamdam sa kanyang miyembro ng same sex.
“Nagulat nga ako kasi beauty queen iyong isa. She’s so beautiful compared to me.She’s prettier. Iyong approach nga niya was very subtle and generous, regalo agad. Na-flatter ako nang husto. I’m used to attracting men pero iyong kapwa ko babae, nakakakilig kaya,”aniya. “Iyong isa naman, nagpakamatay dahil di ko na-reciprocate.Kalimutan na natin, wala naman siya sa showbiz. Pero, nagkaroon talaga ako ng experiences na ganyan.Hindi ko lang nakarelasyon but it flattered me so much. I can understand na puwede palang mangyari.Marami akong kaibigan na same gender na 30 years na mag-asawa pa rin,”pahabol niya.
Aniya, hindi na rin daw bago sa kanya ang makasama sa LGBT movies dahil gumanap na siya noon ng tomboy o lesbian roles.
“I’ve done lesbian roles before like iyong “Si Malakas, Si Maganda at si Mahinhin”which was a big hit that time. I had a kissing scene with Alma Moreno. I’ve done others sa ibang director like Danny Zialcita,”pagkabalik-tanaw niya.
Masaya naman si La Oro na nabigyan siya ng pagkakataong makasama sa isang pelikulang layuning ipalaganap ang mga karapatan ng mga kababaihan kahit sa usapin ng pagmamahal.
“I know, iyong society natin, may mga hindi pa tanggap iyong same sex relationship at ikino-consider na taboo. Pero, sana, by way of this movie, mabuksan ang kaisipan ng ibang hindi pa mulat sa ibang perspective,”pahayag niya.
Ang “I Fell, It’s Fine” ay pinagbibidahan nina Glaiza de Castro at Rhian Ramos.
Ito ay inspired ng tambalan nilang RasTro ng matagumpay na seryeng “The Richman’s Daughter” noong 2015.
Mula sa direksyon ng magaling at award-winning director na si Sigrid Andrea Bernardo, kasama rin cast ng pelikula sina Rafael Rosell, Queenay Mercado, Alchris Galura, Ice Arago at Ms. Elizabeth Oropesa.
Palabas na ang pelikula sa mga sinehan simula sa Abril 4.

