
Bida ang magdyowang sina Robb Guinto at Yasser Marta sa pelikulang “Desperada” na isa sa mga kalahok sa 2026 Sinag Maynila filmfest na mapapanood na sa mga piling sinehan sa Kamaynilaan mula Marso 23 hanggang 29.
Ayon kay Yasser, masaya siya na nakapasok ang kanilang entry sa nasabing film festival.
“Iba kasi iyong kredibilidad pag nakapasok ka sa Sinag Maynila.Siyempre, magagaling iyong mga direktor. Nakikita rin nating nilalaban siya sa ibang bansa. So hindi lang siya local kundi pang-international. So, masaya po kami ni Robb na maging bahagi ng filmfest,” ani Yasser.
Memorable rin daw ang naturang movie na idinirek ni Louie Ignacio dahil dito sila nagka-developan ng lead star na si Robb Guinto.
Natanong naman namin kung ano ang reaksyon niya na ang kanyang reaksyon na ang kanyang dyowa ay pinapantasya ng mga kalalakihan.
“Well, pinapantasya ko rin naman siya. Sa totoo lang, nagpapasalamat ako na maraming kalalakihan talaga ang iniidolo ang girlfriend ko. Kumbaga, siya iyong pantasya ng mga kalalakihan. I’m proud, sa totoo lang. Alam ko namang hindi masamang bagay iyon. Alam ko naman na bago pa naging kami, parte na iyon ng trabaho niya. So, wala naman sa akin iyon,”paliwanag ni Yasser.
Nilinaw naman nilang kahit magdyowa na ay hindi sila nag-iimpose sa isa’t-isa pagdating sa pagpapa-sexy.
“Tulad nga ng sinabi ko, bago pa naman naging kami, alam na namin ang ginagawa ng isa’t-isa. Basta alam lang namin iyong boundaries,” bulalas ni Yasser.
Dahil nasimulan na niya ang pagpapa-sexy, hindi raw naman siya natatakot na ma-typecast sa sexy roles.
“Okay lang naman sa akin kasi nasa personality ko talaga iyong pagiging makulit at may pagkapilyo rin. So, iyong pagpapa-sexy ay hindi po big deal sa akin as long na nasa iskrip,”bulalas niya.
At dahil love niya ang acting, ang goal daw niya ay ang magtagal pa sa industriya
“I’ve been in the industry for 10 years. Nagsimula ako bilang extra hanggang sa paunti-unti ay nagbibida na rin. Noong simula siyempre ang goal mo ay gusto mong sumikat, gusto mong may mapatunayan. Pero habang tumatagal, iyong longevity ng career mo na ang tinitingnan mo. Hindi na iyong pataasan o pasikatan. Mas mahalaga sa akin iyong longevity ng career,” pahayag niya.
Nagbigay din siya ng take niya sa role niya sa “Desperada”.
“Dapat iniisip natin iyong mga taong may mga pinagdadaanan. Kailangan din nila ng pagmamahal. Di ibig sabihin na naligaw sila ng landas ay masamang tao na. Importante po iyong maging compassionate lalo na sa panahon ngayon,”pagtatapos niya.

