Tiniyak ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na tuluyang magsasara ang lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa bago matapos ang Disyembre 2024. Ito ay matapos bawiin ang mga lisensiya ng nalalabing POGOs nitong Linggo, Disyembre 15.
Ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz, batay sa rekord ng PAGCOR, may natitira pang 20 POGOs, ngunit tiwala silang maisasara ang mga ito bago matapos ang buwan.
“Sa Enero 2025, inaasahang wala nang POGO, internet gambling licensee, o kahit mga nagpapanggap na business process outsourcing,” dagdag ni Cruz.
Sinabi rin niya na magsasagawa sila ng inspeksyon upang matiyak na sumusunod ang mga POGOs sa ipinatutupad na total ban.
“Sa susunod na linggo, mag-iinspeksyon na kami sa mga sinabing nagsara. Ayaw naming mangyari na sinasabing sarado pero patuloy pa rin ang operasyon,” ani Cruz.