

POSITIBO naman ang dating ginawang pagkumpirma ni Ruffa Gutierrez, na ang ama ng dalawa niyang anak na si Yilmaz Bektas ay bibisita sa Pilipinas. Hindi naman dapat pagtakhan ang natitirang kilig ng unica hija nina Annabelle Rama at Eddie Gutierrez sa istilo ng panunuyong muli sa kanya ng Turkish Businessman, dahil siya ang lalaking kanyang minahal at unang pinakasalan.
Sakto na rin sa panahon, na dapat patuloy na magkaroon ng komunikasyon si Mr. Bektas sa nagdadalaga at magagandang naging anak nila ni Ruffa na sina Lorin at Venice Bektas.
Malungkot at biglaan ang naging dahilan ng paghihiwalay noon nina Ruffa at Yilmaz. Biglang umuwi noon ang matangkad na TV host dito sa Pilipinas, dala ang kanyang mga anak galing sa bansa ng Turkish Businessman, na itinuturing na isa sa mga naging malungkot na problema ng Gutierrez family.
Bilang panganay, si Ruffa ay nirerespeto ng kanyang mga kapatid dahil sa pagmamahal ng dating Beauty Queen sa kanilang pamilya. Bilang mommy nina Lorin at Venice ay hindi makukuwestiyon ang maayos na pagpapalaki na ginawa sa kanila ni Ruffa. Napapansin at alam iyon ni Yilmaz, kaya hindi nito pinuputol ang komunikasyon sa ina ng kanyang mga anak.
Naging Darling of the Press din si Ruffa, masayahin siyang chikadora, kaya sa totoo lang ay kaabang-abang sa showbiz ang nakatakdang muling pagkikita nila ni Yilmaz.


MIGUEL TANFELIX, BUO ANG LOOB IPAGMALAKI ANG TELESERYE NILA
INE-ENJOY ngayon ni Miguel Tanfelix at ng iba pa niyang mga kasamahang bida sa teleseryeng “Mga Batang Riles” ng GMA-7 ang resulta ng patuloy na pamamayagpag nito sa ere. Dahil napansin at inaabangan talaga ng mga manonood ang nasabing serye.
Ang resulta nga nito ay ang pagdumog sa kanila ng kanilang mga tagahanga kapag mayroon silang Mall shows o saan man sila magpunta. Malakas ang hatak nila, lalo na sa mga kabataan.
Nakakabilib si Miguel bilang isa sa mga bida ng serye, dahil hindi lang naman siya kay Zsa-Zsa Padilla nagrekomenda noon, na silipin din panoorin ang “Mga Batang Riles” dahil sa ibang tao rin na kanyang nakakasalamuha ay ipinag-iimbita niyang subukan din panoorin ang kanilang teleserye.
Sa bakuran na ng Kapuso Network nagbinata si Miguel. Malaki ang tiwala ng Siyete sa kakayahan ng guwapong aktor dahil sa propesyunalismo nitong magtrabaho sa bawat proyektong ibinibigay sa kanya.
Buo ang loob ni Miguel na ipagmalaki ang MBR dahil naniniwala siya na may katuturan ang kanilang serye. Sama-sama silang nagsisikap na mas mapaganda pa ang kanilang palabas.
