
NAKATAKDANG humalili sa iiwanang posisyon ni Presidential Communication Office (PCO) Secretary Cesar Chavez ang beteranong brodkaster at dating TV Reporter na si Jay Ruiz.
Ito ang inanunsyo ni Chavez kasabay ng kanyang pagreresign nitong Huwebes kung saan inamin nito na noon pa umanong Pebrero 5, 2025 siya naghain ng kanyang irrevocable resignation at magiging epektibo ito sa February 28.
Ayon kay Chavez, nagkausap na umano sila ni Ruiz at sinabi niya rito na pormal niyang ipakikilala si Ruiz sa tanggapan ng PCO sa darating na Lunes, February 24 upang maagang masimulan ang ilang araw na transition.
Ayon sa naging pahayag ni Chavez, nanghihinyanang umano siya dahil sa kanyang palagay ay hindi niya naisagawa ang malaking inaasahan sa kanya bilang kalihim ng PCO kahit pa nga ang bawat araw na kanyang inilagi sa posisyon ay inilaan niya ng lubos sa bawat araw niya sa ahensiya.
Sinabi ni Chavez na buong puso siyang nagpapasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos at sa kanyang administrasyon dahil sa tiwalang ipinagkaloob nito sa kanya at ayon sa kanya ay mananatili ang kanyang suporta sa pamahalaan nito at inaari niyang isang malaking karangalan ang makapagsilbi sa ilalim ng liderato ni PBBM.
Si Ruiz ang magiging ikaapat na Press Secretary na maluluklok sa posisyon kasunod nina Atty. Trixie Cruz Angeles, Cheloy Garafil at Chavez.