


GUMAGAWA ngayon ng pelikula si Hilda Koronel, ang historical film na “SISA” ng The IdeaFirst Company, sa pamamahala ni Direk Jun Robles Lana. Magandang palatandaan ang comeback movie ng mahusay na aktres, na ibig sabihin ay unti-unti na ngang bumabalik ang sigla ng movie industry.
Napakarami na ulit nagpoprodyus ng mga pelikula, at kasama na r’yan ang marami nang natapos na mga pelikula ng iba’t-ibang mga baguhang movie producers na naghihintay na lang ng tamang pagkakataon kung kailan maipapalabas sa mga sinehan.
Bilang de kalibreng aktres, inaabangan si Ms. Hilda na mapanood sa bago niyang pelikula, dahil tiwala sa kanyang kakayahan ang mga manonood.
Sa history ng pagiging artista ni Ms. Hilda ay hindi siya gumagawa ng mga basurang pelikula.
Matagal nagpahinga ang premyadong aktres sa paggawa ng pelikula, dahil nanirahan siya sa ibang bansa kasama ang kanyang husband. Kaya marami ang naiintriga kung paano siya nahikayat ng grupo ni Direk Jun Lana, na muling umarte at bumalik muna sa Pilipinas.
Importanteng aktres si Ms. Hilda. Hindi matatawaran ang kanyang kahusayan. Naging malaking banta noon ang kanyang popularity sa kasikatan nina Vilma Santos at Nora Aunor.


DERRICK MONASTERIO, MALAPIT NANG MAGPAKASAL
PARANG ang bilis lumipas ng panahon ni Derrick Monasterio. Parang kailan lang ay napakaguwapong bagets ni Papa D. nang ipinakikilala siya ng GMA-7 mga teleseryeng kanyang ginawa sa Kapuso Network. Pero ngayon ay 29 anyos na siya, at sa seryosong mga usapan tungkol sa pagpaplano sa hinaharap ay kasama na sa plano ang tungkol sa pag-aasawa.
Nasa tamang edad na nga si Derrick kung gusto na niyang magpakasal. Three years na niyang karelasyon si Elle Villanueva. Bilang magkasintahan ay napapag-usapan na nila ang tungkol sa pagpapakasal.
Kalma lang! Yong mga nagpapantasya sa kaguwapuhan ni Papa Derrick ay mayroon pang nalalabing pagkakataon para patuloy na hangaan ang guwapong Kapuso actor.
Ang kundisyon ni Derrick sa kanyang sarili, ay gusto muna niyang magkaroon ng sariling bahay bago magpakasal.
Sa ngayon kasi ay mga magagandang lote sa Tagaytay, Antipolo at sa Paranaque ang naunang mga nabili ni Derrick mula sa perang kanyang naiipon sa pagiging masipag niya sa kanyang movie career. Katulad ngayon, busy siya lagi sa taping ng teleseryeng “SLAY” na nagsimulang mapanood noong March 24, 9:25 ng gabi sa GMA Prime.
