
SALAMAT sa boss natin sa itaas at ligtas na nakalaya at nakabalik sa bansa ang 17 seafarers na crew members ng MV Galaxy Leader na halos mahigit isang taong na-hostage sa bansang Yemen.
Nakalapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang sinakyan nilang eroplano na Oman Air Flight Number 843 dakong alas-9:30 ng gabi.
Sa wakas ay makikita na sila at makakasama, mayayakap ng kani-kanilang mga pamilya.
Ang mga pinoy seafarers na ito ay kabilang sa mga hinostage ng mga Houthis matapos harangin ang MV Galaxy Leader mula sa bansang Israel habang naglalayag sa Red Sea noong Nobyembre 2023.
Mula sa isang madilim na bangungot ay nakasilip muli ng pag-asa at kaliwanagan ang mga kababayan natin na nakaligtas sa nakaamba na kapahamakan o kamatayan.
Siyempre, kapag ganoong nasadlak ka sa mga ganyang sitwasyon ay mas malamang ang madugong wakas kaysa kaligtasan.
Ang mga taong gumagawa ng ganyang mga uri ng karahasan ay walang katwiran, walang takot at walang Diyos.
Hindi iniisip ang kahihinatnan ng kanilang ginagawa at walang pakialam kung ano ang mangyayari sa kanilang mga binibihag.
Kung minsan ay tino-torture ang mga ito, ginagahasa ang mga babae at ginagawang laruan patungo sa kanilang kamatayan.
Sila ay sinalubong sa airport nina Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, Transportation Secretary Jaime Bautista, Foreign Secretary Enrique Manalo at ng iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Admistrator Arnell Ignacio ay makatatanggap ng financial aid, stress debriefing at counselling mula sa kanilang ahensiya ang mga na-hostage na seafarers.
Sinabi pa ni Ignacio na imo-monitor umano ng kanilang ahensiya ang mga seafarers hanggang sa sila ay tuluyang maka-recover at makabalik na muli sa tamang kundisyon upang makapagtrabaho at maka-avail rin sa iba’t ibang programa ng OWWA.
Tiniyak naman ni Sec. Cacdac na magkakaroon ng pagkakataon ang mga crew members na makakapiling ang kanilang mga pamilya sa mga susunod na araw at sila ay sasailalim din umano sa mga pagsusuri upang matiyak ang kanilang maayos na kalusugan.
Sa ating mga kababayan na bayani hindi lamang ng kanilang mga pamilya, kaibigan at kamag-anak, hangad natin ang inyong maligayang pagbabalik.
oooo00000oooo
Tsk Tsk Naniniwala tayo na ang isang panukala, maganda man ang layunin o hindi, mukhang kapaki-pakinabang man o hindi…mabuti man o makakasama ay mayroong mga sumasang-ayon at mayroon ding mga kumokontra.
Mahirap talagang magkaisa.
Iyon ang totoo.
Bukod sa disiplina, ang pagkakaisa marahil ang isang pinakamabisang sangkap upang umunlad ang isang grupo, kumpanya, samahan o isang bansa.
Nasabi natin ito dahil sa isyu ng Firing squad bill ng isang kongresista na kahit napakaganda ng layunin at napakahusay na aksyon laban sa mga tiwaling opisyal ng ating pamahalaan kung sakali at ito ay tuluyang maisabatas ay napakarami pa rin ang humahadlang lalo na ang mga religious groups at iba pa na diumano’y capital punishment lamang ang dapat ipataw sa mga nagkasala.
O di ba. Ang tinamaan ng lintik na mga relihiyosong ito ay panay ang sigaw ng magnanakaw si ganito, mandurugas si Mayor, gago yang si Gobernador…magnanakaw si Congressman tapos eh kinokontra ang mabigat na parusa laban sa mga corrupt na opisyal ng gobyerno.
Noon pa natin inaabangan na may isang mambabatas na babasag sa kawalanghiyaan ng kapwa niya mga pulitiko at talagang kahanga-hanga ang guts at tapang ni Rep Olaso ng Zamboanga City upang isulong ang isang panukala na totodas sa mga manduruga sa ating kabang bayan.
Kaya nga hindi natatakot magnakaw ang mga pulitikong yan dahil lagi lang nakakalusot at nagagamit ang kanilang mga pera at kapangyarihan upang magtagal sa kanilang mga posisyon at makalusot sa kanilang mga kaso kahit pa nga nahatulan na ng Sandiganbayan at korte.
Kaya kayong mga grupo na kontra sa panukalang ito, magsikuha kayo ng bote at ipukpok nyo sa inyong mga ulo.