
KUNG may isang bagay tayo na hinahanap-hanap sa kasalukuyan ay ang ginagawa natin noon na pagsama sa mga operasyon upang makakuha ng mga malalaking istorya at mga action photos.
Mas exciting kasi pag naroon ka sa mismong pinangyarihan o pinangyayarihan ng oprasyon.
Kumbaga, bulag ka pa sa anumang maaring mangyari at kailangan mo rin ng todong ingat na tulad ng ginagawa ng ating mga kapulisan.
Pero siyempre, hindi na rin natin kaya yun mga mabibigat na aksyon lalo na kung may mga habulan Ha ha ha.
Okey na tayo paminsan-minsan ay nasasama sa tropa para magmasid at paminsan-minsan ay may natitisod n mga istorya habang sila ay nagka-conduct ng mga checkpoint.
Panahon na ngayon ng election period kaya kabi-kabila na ang mga checkpoints upang maabala o matiklo ang ilang mga motorista na may ibang mga agenda na binabalak…na ang kadalasan ay nababasyo o nabubuko nang di inaasahan sa pagsasagawa ng ganitong mga checkpoint.
Nasasala kumbaga ang mga motorista at nakakabawas ito kahit paano sa paglaganap ng krimen.
‘Wag lang po na gagayahin yun mga gunggong na mga taga LTO na nakunan ng video habang binubugbog halos ang isang matandang magsasaka.
Walang awa ang mga hinayupak na yan.
Dapat sa mga ganyan itinatali ang dalawang kamay tapos pinakakaladkad sa sasakyan.
Kagabi ay sinamahan ng inyong lingkod ang ating mga kaibigan na mga sundalo at kapulisan na nagsagawa ng checkpoint sa kahabaan ng C-6 na sakop ng Barangay Sta Ana, Taytay, Rizal.
Tulad ng ordinaryong mga checkpoints ay tsinetsek nila ang mga lisensya ng mga driver, mga rehistro ng kanilang mga dalang sasakyan pribado man o pampubliko upang masiguro na walang nakakapasok na mga masasamang loob na posibleng makapaghasik ng kalokohan sa loob ng bayan kung sakali at mayroon ngang mga plano na di maganda.
Sa kasagsagan ng pagsasagawa ng nabanggit na checkpoint ay nakahuli sila ng isang lalaking motorista na may dalang droga.
At tinrato naman nila ng tama at maayos ang suspek at binigyan ng naaayon na karapatan para sa isang tulad niya na nahuhuli sa mga ganitong sitwasyon.
Ang mga kabilang sa nagsagawa ng naturang checkpoint na nais nating batiin ay sina PEMS Manansala,PSSg Calleja, PSSg Dodero, Pat. Torres, Pat. Taban, Pat.Nunag, Pat. Bernardo, at Pat. Bugtong at ang kanilang operasyon ay batay sa kautusan ng kanilang hepe na si Taytay Police Chief PLT Solero.




