
NOONG teenager pa lamang ang inyong lingkod ay isa sa madalas na ipaalala sa atin ng ating matatanda ay mag-aral mabuti at umiwas sa gulo.
Ang gulo daw kasi ay madaling pasukan pero mahirap labasan.
Umiwas sa gulo…yun ang isang napakahalagang paalala na halos kasintimbang ng tagubilin na mag-aral na mabuti.
Dahil kung ang masamang epekto ng hindi pagtatapos sa iyong pag-aaral na maaring maglagay sa iyo sa isang masamang sitwasyon sa panahon ng iyong pagtanda at pagkakaroon ng pamilya, ang madalas naman na pagkakasangkot sa gulo ay maaring magsadlak sa iyo sa kulungan o sa kamatayan.
Kaya kinalakihan na natin na maging malamig ang ulo at maging laging mahinahon sa anumang sitwasyon.
Ayaw nating nasasangkot sa anumang mga gulo at lalong ayaw nating makisangkot sa away ng may away o gulo ng may gulo kung hindi naman kinakailangan.
Hindi karuwagan ang umiwas at mamuhay ng tahimik at maayos.
Bakit natin biglang naiisip ito ngayon?
Well, nitong mga nakakalipas na taon ay biglang naging napakainit pa ng isyu ng West Philippine Sea kung saan anjan ang tubig sa karagatan na matagal nang pinagtatalunan at pinag-uugatan ng kung anu-anong isyu at gulo sa pagitan ng mga bansang nasa baybayin at nakapalibot sa mga isla at lugar diyan na nagsasabing sila ang may karapatan at makihati sa kung anumang biyaya mayroon sa bahaging yan ng napakalawak na karagatan at gayundin sa mga ilang isla.
Bagama’t hindi naman nakasentro lamang sa iringan at kulitan ng bansang China at Pilipinas ang paggigirian sa WPS kundi bahagi rin diyan ang ilang mga karatig na bansa na sinasabing ito ay sakop nila at ito naman ay kanilang teritoryo kung saan ay may malinaw at mayroon ding malabong deklarasyon ang bawat isa, masasabing ang dakong yan ng karagatan ay masyado nang kontrobersyal.
Pero hindi diyan nakasentro ang isyu na ating nais na talakayin.
Dito tayo sa naging pahayag ng ating magiting na Chief of Staff ng Armed Forces of The Philippines (APF) na diumano’y nagbigay ng mensahe sa tropa partikular sa NOLCOM o Northern Luzon Command na maging handa sakali at magkaroon ng gulo sa pagitan ng China at Taiwan.
Ito marahil ay may kaugnayan sa matagal nang paggigirian ng dalawang bansa.
Ang bansang Taiwan ay alam naman ng lahat na kapanalig yan ng bansang Amerika kung kaya’t kung baga sa larong mahjong ay tiyak na makikihalo diyan ang US.
At ang Pilipinas at Japan ay dikit ngayon sa US at hindi imposible na ang mga kaalyado ay mapalahok diyan kahit hindi kasali hahaha.
Kaya medyo nakakakaba rin ang pahayag ng ating pinakamataas na pinuno ng sandatahang lakas dahil medyo may kalaliman ang salitang ‘paghahanda’ sa isang sitwasyon na hindi naman tayo kasali.
Kung ang makakarinig niyan o makakaalam ay medyo mahina ang pandinig(hindi literal ha) ay medyo mapapaisip na …aba may giyera ba at tayo ay posibleng madadamay sa away?
Siyempre nakakakaba yan.
Kaya nga kahit napakarami sa ating mga lider ang tapang-tapangan pagdating sa isyu ng pakikipagbanggaan ng administrasyon sa pangungulit ng China sa WPS ay mas maraming pinoy ang nagagalit at sinasabing kung kayo ay matatapang…kayo na lang! ‘wag nyo kaming idamay dahil mahirap na mapahalo tayo sa digmaan.
Posible daw kasi tayo na ma-involved sakali at umusbong ang gulo sa Taiwan.
Pero ‘wag muna kayong kabahan.
Okay ganito…ating himayin.
Ang pahayag kasi ng liderato ng kasundaluhan ay maging handa ang Nolcom sakali at umusbong ang gulo sa Taiwan kung saan nitong araw ng Martes ay nagsasagawa ng drills sa paligid ng Taiwan angChina kung saan nagpadala ito ng kanilang mga navy, army, air at rocket forces na lumabas na rin sa ibat ibang mga pahayagan.
Kung kinakabahan kayo at iniisip ninyo na pinaghahanda ng ating AFP Chief ang ating mga kasundaluhan sa Nolcom upang makihalo sa digmaan ng China at Taiwan kung sakali at matuloy yan ay hindi naman po ang iniisip ni General Brawner kundi upang makasaklolo agad ang mga taga Nolcom sa ating mga overseas filipino workers na posibleng maipit sa gulo diyan sa Taiwan.
Mga pinoy po ang nais na paghandaan ni Gen. Brawner upang ma-rescue sa mabilis na paraan kung sakali nga at magkagulo.
Ang concern ay ang kaligtasan ng ating mga bayani sa ibayong dagat na nagtatrabaho sa Taiwan.
Nasa 250,000 daw kasi ang bilang ng OFWs natin sa bansang taiwan na kailangang maisiguro ang kaligtasan sakali at umusbong ang gulo.
Ang Nolcom daw kasi ang nasa frontline upang agad na ma-rescue ang ating mga OFW gayundin ang Westcom.
Medyo nakakakaba lang kasi dahil bukod sa nakaraang pagbisita noong March 28 ni US Defense Secretary Pete Hegseth dito sa bansa at gayundin ang nakatakdang pagsasagawa ng taunang Balikatan exercises na gagawin sa darating na Abril 21 kung saan aabot sa 16,000 na binubuo ng mga sundalong kano at pinoy ang magpapartisipa sa drills sa iba’t ibang lugar dito sa ating bansa.
Hmmmnnn nakakakaba na paano naman kung biglang magkagulo sa Taiwan tapos andito ang mga sundalong kano?
Hehehehe Ano ‘yan…manonood lang?
Tsk tsk kaya yun mga lider natin na matatapang…ayan, sige…tingnan natin ang mga tapang nyo pag nagkagulo diyan.
‘Yun mga pulitikong grabe ang panggigigil sa China diyan sa isyu ng WPS tsk tsk
Kaya mas maganda rin yung wala tayong kinakalaban na bansa at kinakampihan…dapat kaibigan lang lahat at para makaiwas sa gulo kung sakali…friends to all, enemy to none!
Hmmmn sana naman ay girian lang ang mangyari diyan dahil wala namang ibinubungang mabuti ang digmaan lalo ngayon na high-tech na ang mga armas.
Kawawa ang mga inosenteng madadamay diyan.
At sana ay di madamay ang mg pilipino sa kanilang okrayan.