
Sa pagdiriwang ng Earth Month, isang panibagong sinag ng pag-asa ang dala ni Carlo Aguilar para sa mga taga-Las Piñas. Sa harap ng paulit-ulit na suliranin ng pagbaha—isang problemang itinuturing na pinakamabigat ng mga mamamayan ayon sa pag-aaral ng Grassroots Analytics Philippines—ipinangako ni Aguilar ang isang malawak at makabuluhang plano upang wakasan ang matagal nang dinaranas ng lungsod.
Hindi lamang basta pangako ang inihain ni Aguilar. Ipinakita niya ang isang konkretong hakbangin na sumasalamin sa tunay na pangangalaga sa kapaligiran at malasakit sa bawat pamilya sa Las Piñas.
Batid ni Aguilar na ang ugat ng problema ay hindi lamang ang baradong mga kanal kundi pati na rin ang maling pamamahala ng basura. Kaya naman, kabilang sa kanyang plano ang pagsasaayos at modernisasyon ng drainage system ng lungsod, kasabay ng regular na paglilinis ng mga ilog, sapa, at estero lalo na ngayong tag-init.
“Ang kalinisan ng ating daluyan ng tubig ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi ng bawat isa sa atin,” ani Aguilar. Sa kanyang pananaw, ang paglilinis ng kapaligiran ay isang kolektibong tungkulin—isang hakbang tungo sa isang mas ligtas at maayos na pamayanan.
Bilang bahagi ng komprehensibong solusyon, tinutukan din ni Aguilar ang problema ng basura. Isinusulong niya ang pagtatatag ng mas episyente at organisadong sistema ng koleksyon ng basura, kung saan mas paiigtingin ang paggamit ng mga garbage truck ng lungsod kaysa sa pag-asa sa mga mamahaling kontraktor.
Dagdag pa rito, inilalatag ni Aguilar ang isang malawakang kampanya para baguhin ang pananaw ng mga residente pagdating sa pagtatapon ng basura. “Hindi sapat ang mga istruktura kung hindi natin babaguhin ang kultura ng kapabayaan,” diin niya. Sa kanyang liderato, ituturo sa bawat tahanan na ang wastong pagtatapon ng basura ay pagmamahal hindi lamang sa sarili kundi sa buong komunidad.
Hindi rin nalimutan ni Aguilar ang kahalagahan ng kalikasan sa pag-iwas sa pagbaha. Kasama sa kanyang programa ang malawakang pagtatanim ng mga puno at pagpapatibay ng mga urban greening projects upang bigyan ng bagong hininga ang mga lungsod na unti-unti nang nasasakal ng semento at polusyon.
Upang masiguro ang kaligtasan, mahigpit din niyang ipatutupad ang zoning regulations para mapigilan ang ilegal na pagtatayo sa mga lugar na palaging binabaha. Para kay Aguilar, ang isang organisadong lungsod ay isang ligtas na lungsod.
Hindi mag-iisa si Aguilar sa laban na ito. Kasama niya ang kanyang running mate na si Louie Bustamante—isang batikang lider na dati nang naglingkod bilang vice mayor at konsehal. Magkatuwang nilang hinikayat ang mamamayan na makiisa sa adhikain para sa isang mas maayos at maunlad na Las Piñas.
“Bawat maliit na hakbang—isang tamang pagtatapon ng basura, isang araw ng paglilinis—ay malaking ambag sa ating layunin,” ani Bustamante.
Sa puso ng programa ni Carlo Aguilar ay ang isang panawagan: pagkakaisa, disiplina, at malasakit. Hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para rin sa mga susunod pang henerasyon.
“Sa Bagong Las Piñas, hindi lamang natin binabawasan ang baha,” patuloy ni Aguilar. “Nililikha natin ang isang lungsod na tunay na maipagmamalaki ng bawat mamamayan—malinis, ligtas, at puno ng pag-asa,” pagtatapos ni Aguilar.
