

Pinag-uusapan ang kumalat na video na nakunan ng ilang netizens kung saan nahuling lumuluha ang actor-direktor na si David Chua habang nanonood ng concert sa Tondo, Manila kamakailan.
Kasama niya roon ang ilang artista at performers tulad nina Meg Imperial, Smokey Manaloto, Jopay & Joshua, Autotelic Band, at ang Bandang Lapis.
Sa video, na mabilis nag-viral, makikita sa David sa gilid ng stage mag-isa, habang umiiyak nang todo habang sinasabayan ang Bandang Lapis sa pagkanta ng kanilang awiting ‘Kabilang Buhay,’ na tungkol sa pagpanaw at pangungulila sa mga mahal sa buhay.
Nang lapitan si David ng ilang vloggers pagkatapos nung event, tila nadyahe siya dahil sa kanyang ‘emo moment.’
“Nakakahiya naman,” pag-amin niya. “Yung lyrics kasi, naalala ko lang kasi yung mom ko na sumakabilang-buhay noong 2020, nung kasagsagan ng pandemic.”
“Mas ramdam ko lang kasi yung song dahil malapit nang mag-Mother’s Day, and naalala ko lang kung paano kami usually nagse-celebrate.”
“Kasi nga, since lumaki ako na walang tatay, yung mom ko lang talaga yung ‘constant’ sa buhay ko, lalo na nung nagsisimula pa lang akong mag-artista. Siya lang talaga yung nagsu-support sa’kin noon.”
Hindi lingid sa kaalaman ng fans ni David na pumanaw na rin kamakailan ang kanyang ama na halos dalawang beses lang niya nakita mula noong iniwan nito silang mag-ina. Posible kayang nakadagdag ito sa dalamhati ng chinito actor?
“Medyo, pero iba kasi yun, e. Iba kasi yung tama nun sa’kin. Ang sa’kin lang, masaya lang ako na nagkaroon na kami ng closure, at pinatawad ko na rin siya. And alam niyo, gumaan talaga yung feeling ko mula noon. Nawala na yung hinanakit na matagal kong dinadala.”
Paano niya ipagdiriwang ang Mother’s Day, ngayong ulila na nga siya sa magulang?
Aniya, “Plano ko bisitahin yung mom ko sa libingan, tapos after that, meron kaming maliit na salu-salu sa Tondo. Dasal ko lang, sana andyan pa rin yung nanay ko na patuloy na gumagabay sa’kin, at sana proud pa rin siya sa mga kabutihang ginagawa ko para sa mga kababayan namin sa Tondo, sa pamamagitan ng aming advocacy na Damayan sa Distrito Dos.”



Mga nagwagi sa RetaShow 2025, Kiddie Edition, inihayag na
Inanunsyo na ang mga nagwagi sa ikalawang edisyon ng eco-friendly fashion show na Retaso na itinatag ng lungsod ng Quezon.
Sa nasabing kiddie fashion show, anim na designer ang nagpakitang-gilas sa kanilang mga ibinidang bagong likhang children’s wear mula sa discarded textiles sa event na binansagang Retashow 2025: QC’s Catwalk to Sustainability na ginanap sa Gateway Mall sa Araneta City, Cubao kamakailan.
Ang mga nagwagi ay nag-uwi ng P50 K na papremyo base sa kanilang pagiging malikhain at adbokasyang makatulong sa kalikasan.
Ang Retashow 2025 winners ay sina Nard Patrick Redoble ng Barangay Commonwealth, Nichole Samson ng Barangay Apolonio Samson, Atty. Katherine Añonuevo ng Barangay Sikatuna, Ma. Joy Pauline Castillano ng Barangay Talipapa, Hazel Roldan ng Barangay Batasan Hills, at Neil Bryan Capistrano ng Barangay Bagong Pag-asa.
“Ang pagbabago ay pwedeng magsimula sa isang ideya, sa isang sinulid, sa isang retaso. Let this runway be a symbol of possibility — that the future is not something we predict, it’s something we create,” ani Mayor Joy Belmonte.
Ang mga miyembro ng inampalan ay binuo nina Camille Rose Albarracin, founder ng Everything Green; Fred Leysa, associate manager ng Repamana; at Rhodel Sazon, marketing services and advertising and promotions manager ng Araneta City.
Bago ang grand show, ang 24 finalists ay sumailalim sa intensive seminars at workshops tungkol sa sustainable design techniques na pinamunuan ng industry experts tulad nina Dars Juson ng Repamana, Chris Roxas ng Brave Story, at Ally Gutierrez ng Repamana.
Ang Retashow ay isang inisyatibo ng lungsod ng Quezon na layuning labanan ang problema ng textile waste, gawing kapaki-pakinabang ang recycling para sa designers at maisulong ang environmental awareness.
Ito ay proyekto ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pakikipagtulungan ng Quezon City Climate Change and Environmental Sustainability Department.
