

WALANG katotohanan at isa na namang malaking fake news ang kumalat na balitang hindi papayagan na makaboto ang mga botante na walang maipipresenta na national ID sa araw ng halalan sa darating na May 2025 mid-term elections.
Ito ang mariing pahayag ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa pagkalat ng isang maling balita na may kinalaman sa paraan o patakaran ng pagboto sa darating na eleksyon.
Ayon sa Comelec, wala silang nai-post tungkol sa ganitong maling impormasyon sa kanilang social media platforms at itinaggi nila na ang ‘no national ID no vote ay isang fake news at hindi nagmula sa kanilang tanggapan.
Idinagdag ng Comelec kinakailangan lamang umanong magpresenta ng identification card ang botante kapag hindi makita o hindi ma-verify ang kanyang pangalan sa Election Day Computerized Voter’s List.
Kaugnay nito ay pinaaalalahanan ang publiko na huwag agad na maniniwala sa mga balita o impormasyon na hindi kumpirmado at posibleng makagulo lamang sa kanilang gagawing pagboto.