

ISA sa mga kinagigiliwang katangian ni Janine Gutierrez bukod sa kanyang kabaitan bilang anak ay ang kanyang laging pagiging kalmado. Kaya nga, marami ang nag-alaala sa kanya nitong mga huling araw, kung papaano niya hinarap ang magkakasunod na kalungkutan dulot ng mga pagyao ng mga malalapit na tao sa kanyang puso?
Hindi biro ‘yong naramdamang lungkot ni Janine nang yumao ang kanyang Lola na Asia’s Queen of Songs na si Ms. Pilita Coralles.
Nahirapan siyempre si Janine, dahil sobrang malapit siya sa kanyang Mamita, at sobrang proud ang yumaong beteranang singer sa magandang kaganapan sa takbo ng movie career ng anak ng dating mag-asawang sina Lotlot de Leon at Monching Gutierrez.
Mataas ang respeto ni Janine sa nag-iisang Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts at Lola niyang si Nora Aunor, dahil nasa Grade 2 siya nang una niyang malaman sa mga tao na sikat palang aktres ang mother ng mommy niya.
Kasunod nito, ikinalungkot din ni Janine ang pagyao ng batikang aktor na si Ricky Davao, na ex-husband ng kanyang Tita Jackielou Blanco.
Sa malungkot na sitwasyong pinagdaraanan ngayon ni Janine, ay malakit ang pasasalamat niya, dahil laging nasa tabi lang niya si Jericho Rosales. Kahit busy ang aktor sa shooting ng “Quezon” ay humahanap si Echo ng pagkataon na madamayan ang magang aktres. Na hindi na nakapagtataka, dahil inamin na ng aktor ang lalim ng kanilang ugnayan ngayon.

ALDEN RICHARDS, MAAGAP NATUTONG MAHALIN ANG MOVIE INDUSTRY
MAITUTURING na bata pa rin sa showbiz si Alden Richards. Pero dahil nang magsimula siyang sumikat sa pamamagitan ng “Kalye Serye” nila ni Maine Mendoza sa Eat Bulaga noon ng GMA-7 ay big star na siya ngayon.
May pruweba ang kasikatan ni Alden, dahil siya ngayon sa hanay ng mga kilalang aktor sa showbiz ang may hawak ng rekord na nagbida sa pinakakumitang pelikula sa kasaysayan ng showbiz. Box-Office King siya ngayon
Dahil napakasuwerte ni Alden sa kanyang career, kaya marunong din siyang gumanti at magbalik ng pagmamahal sa industriyang bumago sa takbo ng kanyang buhay at kabuhayan.
Seryosong tao si Alden, kaya hindi nakapagtataka na aktibo siya ngayon sa pagtulong para sa kapakanan ng showbiz. Board Member na siya ngayon ng MOWELFUND (Movie Workers Welfare Foundation, Inc.) Kabilang siya sa nag-organize ng magaganap na run for a cause ngayong buwan ng Mayo.
“We’re calling it ‘LIGHTS, CAMERA, RUN! Takbo Para sa Pelikulang Pilipino’. So, all the proceeds of the fun run will go directly sa Mowelfund,” pahayag ni Alden.
Dahil na rin sa hilig ni Alden sa pagtakbo, nais niyang ibahagi ito sa mas maraming tao sa pamamagitan ng nasabing run for a cause project, at katulong din sa pag-organisa nito ang Myriad Corporation na siya ang may-ari.
Maraming celebrities ang imbitado sa fun run, ‘tulad ng running buddies ni Alden na sina Barbie Forteza at Kristoffer Martin. Bukas para sa lahat ang fun run event na gaganapin sa Mall of Asia Concert Grounds, Pasay City sa May 11, 2025.
