
Naging bukambibig noon ang mga karakter nina Cherry Pie Picache at Mercedes Cabral bilang Marites at Lena sa “FPJ’s Batang Quiapo”.
Katunayan, dahil sa galing ng kanilang pagganap bilang magkaribal sa puso ni Rigor (John Estrada) sa nasabing serye, tumatak sa kamalayan ng madlang pipol ang kanilang mga markadong papel.
Idagdag pa rito, na minsan nang nag-trending ang kanilang mga eksena kasama si Roda na binibigyang buhay ni Joel Lamangan, ang kanilang direktor sa pelikulang “Fatherland.”
Pero ayon kay Cherry Pie, kung akala ng balana ay magkaaway sila ni Mercedes, kabaligtaran daw ito sa tunay na buhay.
Aniya, close raw sila dahil pareho ang kanilang roots dahil sa indie movies sila namayagpag.
Sey pa niya, patuloy daw ang bardagulan nila ni Mercedes sa socially relevant movie na napapanahong panoorin bago mag-eleksyon.
Natutuwa rin si Pie dahil nabaligtad daw ang roles nila ni Ched.
“Actually, iba ang dynamics namin dito. Tuloy ang bardagulan pero ako naman ang kontrabida sa movie,” lahad niya. “Ako iyong palaban at sumusugod kumpara sa martir na role ko sa Batang Quiapo. Actually, masaya siya dahil masarap katrabaho si Ched,”dugtong niya.
Dagdag pa niya, sobra raw siyang na-challenge sa kanyang karakter na isang Chinese sa movie.
“Ibang level para sa akin iyong Chinese character. Kahit ako, minsan, natatawa sa sarili ko. Parang Alice Guo ang peg. Masaya siyang i-portray at the same time, challenging. Ang hirap palang mag-Chinese o magsalita ng Fookien,” pahayag niya.
Nakatulong daw na may Chinese interpreter sila sa set kaya naitawid niya ang kanyang mga eksena.
Isa raw na aabangan na eksena nila ni Mercedes ay nang pinukpok niya ng tabo si Mercedes na inilarawan niya bilang generous na katrabaho.
“Sa amin, walang sapawan. She’s very generous and cooperative pagdating sa mga eksena namin,”paglalarawan niya.
Sey pa niya, naging smooth-sailing daw naman ang kanilang shoot ng nasabing pelikula.
“Si Direk Joel naman, ilang beses ko na siyang nakatrabaho. Alam ko na iyong gusto niya, yong mabilisan dapat. So, attentive lang ang lahat. Basta handa ka naman, hindi ka niya matatalakan,” pagtatapos niya.
Si Pie ay gumaganap bilang Mayor Chen sa “Fatherland” na produksyon ng Bentria Productions ni Engr. Benjie Austria.
Mula sa panulat ni Roy Iglesias at sa direksyon ni Joel Lamangan, pinagbibidahan ito nina Allen Dizon at Inigo Pascual.
Ito ay isang makabagbag-damdaming kuwento ng paghahanap ng isang anak sa kanyang ama.
Palabas na sa Abril 19, kasama rin sa supporting cast sina Jeric Gonzales, Richard Yap, Mercedes Cabral, Angel Aquino, Max Eigenmann, Jim Pebanco, Kazel Kinouchi, Ara Davao, Rico Barrera, Abed Green at marami pang iba.
Jojo Mendrez, tuluyan ang sinampahan ng reklamo si Mark

Hindi na nagpaawat ang Revival King na si Jojo Mendrez dahil tinuluyan na niyang sampahan ng reklamo ang aktor at dating Starstruck alumnus na si Mark Herras.
Ito ay pagkatapos na magpa-blotter siya noong Marso 31 sa Kamuning Police Station 10 sa EDSA, Quezon City.
Nagulumihanan kasi ang singer at ang kanyang Aqueous Entertainment management team sa sinabi noon ng aktor na susunugin diumano nito ang bahay ni Jojo kung maiitsapuwera siya sa team nito.
Bago kasi rito ay nakasama ang aktor for a collaboration with Jojo.
Pero, may mga naganap noong gabi ng PMPC Star Awards for TV kung saan supposedly ay presentors ang dalawa.
Iniwan ni Mark si Jojo noong gabi ng parangal nang walang kaabog-abog kung saan nalagay sa alanganin ang singer.
Naging saving grace naman ng Revival King si Rainier Castillo na kasama niyang nag-present in lieu of Mark.
Hindi naman ikinaila ni Jojo na sumama ang loob niya kay Mark dahilan para putulin na niya ang ugnayan dito at pati na ang kanyang kolaborasyon.
Grave threat ang inihain niyang reklamo.
Sa sinumpaang salaysay ng reklamo ni Jojo detalyado niyang ikinuwento kung paano nag-ugat ang kanyang reklamo kay Mark.
Parte ng salaysay ni Jojo, “Dahil sa matinding pagbabanta na ito, naisip ko agad na manghihingi na naman sa akin ito ng pera tulad ng kanyang nakagawian na gawin sa akin para manahimik siya at hindi niya ako takutin at gambalain. Ang perang nabigay ko na sa kanya ay walang anumang kapalit.”
Hindi naman ikinaila ni Jojo na ipinarating niya sa kanyang mga kaibigan sa media ang pagbabanta ni Mark para maging aware rin ito na hindi siya nagpapatinag dito lalo pa’t nasa panig niya ang katotohanan.
Sey ng manager ni Jojo na si David Bhowie C: “After po kasi ngayon (pag-submit) ng affidavit diretso po bukas ang lawyer at si Jojo sa Quezon City Hall of Justice to formally file the case. Prerequisite po kasi ang affidavit at blotter.”
May naging panayam naman sa TV5 sa abogado ni Jojo na si Atty. Advincula paglabas nila ng police station.
“Nandito si Jojo Mendrez para magkaroon ng recordal of his complaint doon sa insidenteng nangyari na pagbabanta sa kanya amounting to grave threat, he must threaten to be harm sa person niya at sa kanyang property,” pahayag ng abogado ng singer.
Hindi naman nagbigay ng anumang detalye na si Jojo dahil ipinauubaya na niya ang lahat sa legal counsel niya. Pero nalulungkot siya na humantong sa ganitong sitwasyon ang lahat at wala rin siyang mensahe para kay Mark.
Paliwanag pa ng abogada ni Jojo: “Hindi tama ang magbabanta ka or anything to anybody or threaten anybody sa kanyang person o sa kanyang property at hindi po iyon tama at mayroon tayong laws na covered by revised penal code on this.”
