
Isang nakakakilig na eksena ang naganap sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 nang magkrus ang landas ng aktres na si Anne Curtis at independent senatorial candidate na si Bam Aquino. Matapos ang kanyang suporta sa social media, ngayon ay personal nang binasbasan ni Anne ang kandidatura ng dating senador sa pamamagitan ng isang masayang pagpapa-picture habang todo-flex ang No. 5 sign—isang malinaw na pagsuporta sa kanyang pagbabalik sa Senado.
Sa kanyang Instagram post, isinama ni Anne ang litrato nila ni Bam sa kanyang “So MARCH fun” carousel album at may caption na, “bumped into someone I’m voting for!” na parang may pahaging pa sa kanyang followers kung sino ang bet niyang senatorial bet.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbigay ng suporta si Anne kay Aquino. Una siyang nag-react ng “Yes!!” sa tweet ni stand-up comedian Alex Calleja, na nagsusulong na iboto si Aquino sa darating na eleksyon. Sinundan pa ito ng pag-retweet niya sa isang post ni Bam tungkol sa kanyang adbokasiya para sa mas maraming oportunidad sa bawat pamilyang Pilipino.
Syempre, todo-thank you naman si Bam sa kanyang Facebook post:
“Masaya akong nakasalubong at nakakwentuhan ka nang saglit sa airport habang papunta sa kanya-kanyang mga flight natin! Your support means a lot to us at sa ipinaglalaban natin sa ating kampanya.”
Dagdag pa niya, “Ipapanalo natin ang laban na ito para sa madlang pipol at sa bawat pamilyang Pilipino! Libreng Kolehiyo, Siguradong Trabaho! God bless you, Anne!”
Sa isang bansa kung saan ang showbiz at pulitika ay parang mag-jowa na hindi mapaghiwalay, hindi na bago ang mga artista na nagpapahayag ng suporta sa mga pulitikong pinaniniwalaan nila. Bukod kay Anne, nakisawsaw rin sa laban sina Edu Manzano, Dingdong Dantes, Pio Balbuena, Bea Binene, Janine Gutierrez, at ang talent manager na si Ogie Diaz.
Kung ang tanong ay: May star power nga ba ang endorsement ng mga celebs? Sa dami ng sumusuporta kay Bam, mukhang may lakas pa rin ang hatak ng mga artista power sa eleksyon! Kaya naman, ang tanong na lang: Susunod ka ba sa yapak ni Anne Curtis sa Mayo?
‘Yun na!
