
KASABAY sa pagiging uso ng mga high-tech na gadgets at iba’t ibang social media platforms ay marami na ang naging sobrang matatalino at marurunong.
Dumami ang mga papapampam, mga marites, marisol at dumagsa din ang mga vloggers, bloggers atbp na kung minsan ay nag-aastang mas marunong pa sa mga abogado, huwes, senador, congressman at tumatalakay ng mga matitinding isyu na kahit hindi naman alam at di naiintindihan ay sumasawsaw.
At kung ano ang usong isyu ay talagang lagi silang may mga opinyon, komento at mga solusyon na …hehehe madalas naman ay sablay.
Mula sa isyu ng bangayan ng mga Marcos at Duterte, sa impeachment ni VP Sara, sa isyu ng paglilipat ng pondo ng Philhealth, sa isyu ng 2025 GAA, sa pag-aresto kay tatay Digs at ngayon sa isyu ng girian ng Taiwan at China.
Kung mahina-hina ang dibdib at puso mo ay aatakehin ka ng kaba at nerbiyos sa mga napapanood sa youtube at mga naka-post sa facebook na ang dala ay puro pananakot na kesyo delikado na ang Pinas dahil tiyak na madadamay tayo sa posibleng pagkakaroon ng giyera sa Taiwan.
Kaya maghanda na raw ang karamihan lalo na ang mga nasa may bandang Hilagang Luzon dahil iyon daw ang posibleng unang maaapektuhan kapag nagkatuluyan ang girian ng China at Taiwan.
At ang pagkakaaresto umano sa tatlong pinoy na diumano’y nadakip habang nag-eespiya sa China.
Mayroon pang bumabanat na bakit daw mga jet fighter planes ang biglang binibili ng Pilipinas kung ang sinasabi naman ng AFP ay hindi tayo makikisawsaw sa giyera ng taiwan at China kundi ire-rescue lamang o ililigtas ang ating mga kababayang OFW doon na posibleng maipit kung magkagulo na nga.
At totoo ba daw na binibili yan o ipapadala lang ng US dito para may siguradong pang responde sila sa kaalyado nila na Taiwan kung matuloy ang bakbakan at ang Pinas ang isa sa pinakamalapit na puwede nilang pag-imabakan ng kanilang mga sasakyang pandigma dahil ang ating mga lider ay sunud-sunuran lang sa Amerika.
Mga nakakaalarmang impormasyon na dahil may mga napapanood sila na nakakatakot na drills ng mga sundalo ng China sa paligid malapit sa Taiwan sa youtube at mga sini-share sa facebook ay nagkakaroon tuloy ng takot ang karamihan na baka nga totoo ang sinasabi na posible na madamay ang Pilipinas at ang mga pilipino sa gulong yan.
Nag-umpisa kasi ang lahat na ‘yan noong nagpahayag ang pinuno ng ating Armed Forces kung saan ay sinabi niya sa mga kasundaluhan na magsipaghanda sila sakali at magkaroon ng gulo sa pagitan ng China at Taiwan dahil aabot sa may 250,000 na OFW ang posibleng i-rescue kapag nagkagulo.
Iba’t ibang reaksyon ang nagsilabasan sa social media at ang karamihan ay galit at pagkasuklam sa ating pamahalaan ang mga sinasabi.
Nagmamatapang daw kasi at puro kontra ang ginagawa sa China at panay ang pakikipagmabutihan sa US kaya tiyak na pag nagkagiyera sa Taiwan ay madadamay talaga tayo sa ayaw at sa gusto natin.
Tsk Tsk Tsk
Away po ng mga intsik ‘yan!
At isusumpa ng mga Pilipino ang ating mga kasundaluhan at ang ating mga lider ng bansa kapag pinahintulutan nila na madamay tayo sa iringan na yan ng China at Taiwan samantalang wala naman tayong kinalaman doon.
Kung kaalyado man ng US ang Taiwan ay hindi naman siguro aabot sa didigmain ng US ang China dahil malaki ang mawawala sa dalawang bansa sakali at sila ay magbangayan.
Napakaraming mga negosyo at kasunduan ang masisira partikular ang tungkol sa usaping pangkabuhayan at ekonomiya.
Kaya bawas bawas sa pagsawsaw lalo na at maseselan ang mga isyu tulad ng isang ‘yan.
Hayaan ninyo ang mga intsik sa away nila.
Hindi na nga tayo makahinga sa awayan ng mga Marcos at Duterte at sa napakataas na presyo ng mga bilihin dito sa ating bansa ay makikihalo pa ba tayo sa giyera ay sobra na yan.
‘Wag nating takutin ang ating mga kababayan.
Gutom na nga at hirap tatakutin n’yo pa.
kaya bago maniwala sa mga napapanood at nababasa sa social media ay mag-double check at i-confirm po muna ninyo para sigurado.
sa dami ng mga sawsawero at sawsawera ay malamang na makasama din kayo sa mga malilito.