

HATAW sa tag-init ang kaabalahan ngayon ni Vilma Santos sa kanyang mga kampanya sa buong Batangas dahil tumatakbo nga siyang muli para Gobernador. Happy ang Stat for All Seasons sa mainit na pagtanggap sa kanya ng publiko sa bawat lugar na kanyang punupuntahan.
Aware si Vi na sa bawat lugar sa Batangas na kanyang puntahan ay hindi lamang iyon sa kasabikan ng mga tao na muli siyang manungkulan bilang Governor sa Batangas, kundi nagpaparamdam ang mga tao ng pagmamahal sa kanya bilang idolong premyadong aktres ng showbiz.
Muli na namang nararanasan ngayon ni Vilma sa bagong hanay ng mga pangalan ng mga makakatunggali niya sa pagkandidato bilang Governor, ang siraan siya at patungkulan ng mga salitang hindi kanais-nais.
Hindi na ito bagong karanasan para sa pulitikong aktres. Dahil noong unang sabak pa lang niya para kumandidatong Governor sa Batangas, ay naranasan at nalampasan niya rin ang mas matitinding paninira laban sa kanya ng kanyang nakatunggali sa posisyon bilang Governor.
Mabait na katunggali si Vilma sa pulitika. Hindi siya marunong manira ng kanyang kalaban. Marunong lang siyang sumagot ay ipagtanggol ang kanyang sarili. Sa anumang laban sa buhay ng Star for All Seasons, sa pulitika man o sa showbiz, palaban din siya. Pero hindi niya gawaing manira ng kanyang kapwa, dahil hindi ganu’n ang kanyang personalidad.


SHARON CUNETA, PANG-SHOWBIZ PA RIN TALAGA
NAKAKABILIB ang paninindigan ni Sharon Cuneta na huwag pumalaot sa larangan ng pulitika. Anak siya ng yumaong dating Mayor ng Pasay City na si Mayor Pablo Cuneta. Nagdalaga ang Megastar na nakikita ang mga ginagawa ng kanyang daddy bilang public servant.
Matagal nang panahon na may humihimok kay Sharon na pumasok siya sa pulitika. Dahil kahit sobrang naging malaking pangalan sa showbiz dahil sa kanyang kasikatan, ay may maamo siyang puso para sa mga tao, tulad ng yumao niyang daddy.
Sa halip na siya ang tumakbo sa anumang posisyon sa pulitika, ay mas pinaboran ng Megastar na suportahan na lang ang kanyang husband na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa political career nito.
Ang pagiging maamo ng puso ni Sharon ay patuloy niyang inihahandog sa kanyang mga fans. Patuloy siyang happy sa paggawa ng pelikula, at nitong huli ay isa siya sa mga bidang artista sa teleseryeng “Saving Grace” ng ABS-CBN
Sobrang ine-enjoy ngayon ni Sharon ang magandang resulta ng kanyang pagpapapayat. Sexy na siya ulit. Sa katunayan, nu’ng April 4, sa ginanap na ABS-CBN BALL 2025 ay rumampa na siya. Bongga! Sumakses talaga.
