

LAGING si Donny Pangilinan ang pangalang naiisip kapag naging paksa, na sa bakuran ng Kapamilya Network ay hinay-hinay muna ang pagbawi ng movie career ng dating nangungunang young actor doon na siyempre pa’y si Daniel Padilla. Ilang beses napatunayan sa mga pinagbidahang teleserye, na angat na angat ang kahusayan sa acting, ganun din sa porma na may napakagandang height ang anak nina Maricel Laxa at Anthony Pangilinan.
Dati nang napapansin at napag-uusapan na bagay din pala sina Kathryn Bernardo at Donny. Kaya nga, positive ang dating na ngayon ay magkasama silang dalawa na umuupo bilang mga hurado sa “Pilipinas Got Talent”.
Palaisipan kasi ngayon kung sino na ang susunod na magiging leading man ni Kathryn sa susunod niyang pelikula?
Hindi muna kasi puwedeng maging leading man ni Kath si Daniel, hangga’t may mga delicadeza pang pumapagitan sa kanilang dalawa ngayon pagkatapos ng naging kontrobersiyal nilang hiwalayan.
Kakatapos lang ni Kath makapareha sa pangalawang pagkakataon si Alden Richards sa box-office hit nilang pelikula. Hindi dapat sagarin ang kanilang loveteam, kaya pahinga muna sila ni Alden.
Kung may posibilidad na maging bagong leading man ni Kathryn si Donny, eh, paano naman si Belle Mariano na original na ka-loveteam ni Donny.
Sa taya ng sitwasyon, si Belle pala ay nakatakdang gumawa ng malaking project na hindi si Donny ang kapareha niya!
“I’ve been working with Donny Pangilinan for so long, and this is the first time that I’m doing a film on my own, and I would say it’s growth. Something scary but I’m really excited for it,” sabi ni Belle.

ALBERT MARTINEZ, MATIYAGA KAYA NAGTAGAL SA SHOWBIZ
NADAAN sa tiyaga ni Albert Martinez ang mga pagsisikap niya noon, kaya hanggang ngayon ay patuloy pa ring aktibo ang kanyang showbiz career at gumagawa pa rin siya ng mga pelikula at teleserye, habang nawala na sa showbiz ang ibang nakasabay niya noon sa pag-aartista.
Natatawa na lang ngayon si Albert kapag napupuri siya ng mga kakilala sa showbiz at inaalaala ang pagsisikap niya noon para mas mapansin pa sa industriya, dahil hirap siya noon makasingit sa kasikatan ng brother niyang si William Martinez na karibal sa popularity ni Gabby Concepcion, habang naroon din dati ang kasikatan ng mga yumaong sina Alfie Anido at Jimi Melendez.
Ipinagpapasalamat din ni Albert na sa panahong pinatutunayan niya ang kanyang sarili sa showbiz ay hindi siya pinanghinaan ng loob para sumuko.
Maingat si Albert sa kanyang kaguwapuhan. Hindi siya mabilis magkaroon ng edad sa hitsura. Kaya nung humataw na siya bilang seryosong aktor ay hindi na siya nababakante sa paggawa ng pelikula at teleserye.
Ang ganda ng respetuhan nina Albert at William bilang magkapatid. Nung sikat na sikat si William ay tumutulong daw ang aktor sa kanilang pamilya. Nang magkasakit naman si William at mawalan ng trabaho ay si Albert naman daw ang tumutulong sa pangangailangan ng dating matinee idol.
Napapanood ngayon si Albert sa “Batang Quiapo” ng Kapamilya Network.
