


Sumabak na rin sa pag-aartista ang businesswoman turned film producer na si Cecille Bravo. Katunayan, isa siya sa producers ng pelikulang “Co-Love” na opisyal na kalahok sa 2025 Cinepanalo filmfest na mapapanood sa Gateway Cineplex 2. Aniya, aksidente lang daw na napasama siya sa movie. Ang partisipasyon daw niya sa kilig movie ay udyok lamang ng pagsuporta sa kaibigang si RS Francisco at sa director nitong si Jill Urdaneta. “Actually, I’m just here to support a friend, si Direk Jill. I did the movie because of RS (Francisco). Sabi ko nga kay RS, hindi ako magproprodyus na hindi siya kasama,” aniya.
Dagdag pa niya, na-enjoy daw naman niya ang proseso ng pag-arte. “To be honest naka-take one o take two ‘ata ako. Iyong role ko naman, I just want to act it as natural as possible,” bulalas niya. Hirit pa niya, nakaka-relate rin daw siya bilang supportive Tita ng bayan sa nasabing Cine Panalo entry. “Parang ako lang. Supportive ako sa friends ko at sa entertainment industry,” sey niya. Dahil na-enjoy niya ang kanyang acting debut, natanong naman kung open siya for more acting roles. “I’m thinking about it. Siguro next time, iyong mas mahaba-habang role,” aniya. Isa rin daw sa konsiderasyon kaya tinanggap niya ang role ay dahil malapit sa puso ang tema nito sa LGBTQA community. “Open ako. Open ako sa LGBTQA community talaga. Even my friends like RS and others are members of the community. Growing up, kahit iyong mga friends ko noong high school ay members din ng LGBTQA kaya may spot siya sa heart ko,” deklara niya.
Given the chance to explore more about acting, bet daw niyang makatrabaho ang acting great na si Christopher De Leon at iba pang mga talents ng ABS-CBN at GMA-7. Sobrang saludo naman si Cecille sa mga bida niyang sina Jameson Blake at KD Estrada sa pelikula. “I feel so young working them. Iba iyong energy nila. Bilib din ako sa kanila dahil they’re easy to get along with. Walang kaarte-arte. They always have ready smiles and don’t complain,”esplika niya. Naurirat din kung pangangatawanan na niya ang pagproprodyus ng pelikula tulad ng pagsali sa MMFF. “Medyo praktisin at pag-aralan muna nating maigi,” pagtatapos niya. Hirit pa niya dahil daw sa magandang reviews at reception ng tao sa gala night, pinag-iisipan daw nila kung gagawan ng sequel ang pelikula. Ang “Co-Love” ay pinagbibidahan nina Jameson Blake at KD Estrada. Tampok din sa romantic comedy sina Alexa Ilacad at Kira Balinger. Ang Cinepanalo filmfest ay mapapanood hanggang Marso 25 sa Gateway Cineplex 2.
