
Sa isang lungsod sa Southern Metro Manila, isang pamilya ang may tahimik ngunit tusong plano—isang scheme na tila baga panghabangbuhay nilang hawak ang kapangyarihan. Ang isa sa kanila, isang matandang pulitiko, tumatakbo muli bilang vice mayor, kahit matagal nang hindi aktibong nagseserbisyo dahil sa iniindang karamdaman. Sa kanyang termino, bihira itong makita sa opisina, habang ibang tao ang gumagawa ng kanyang trabaho.
Ang mas nakagugulat ay ang estratehiya sa likod ng kanilang kandidatura. Ang isa sa pamilya ay kandidato bilang mayor, habang ang ina naman ay tatakbo bilang vice mayor—ngunit hindi ito ang totoong uupo sa pwesto. Ang tunay na target? Ang isa pang anak na tumatakbo bilang konsehal. Kapag ito ay naging number one councilor, nakahanda na ang plano: magbibitiw sa puwesto ang vice mayor upang bigyang-daan ang anak na siyang papalit.
Kung ngayon pa lang ay may ganitong taktika na, ano pa kaya kapag nakaupo na sila? Ang masaklap, hindi ito ang unang pagkakataong ang pamilya ay nababanggit sa usapin ng malalaking kontrata sa siyudad. Hindi ba’t tila iisa lang ang nakikinabang?
Mga botante, hindi ba natin dapat pag-isipan ito? Panahon nang maging mapanuri sa ating pagpili—ang kapakanan ng lungsod ay hindi dapat pinagpapalit sa isang maitim na plano ng iilang naghahari-harian sa pulitika.