
Nalulungkot si Jeric Gonzales sa pagkamatay ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.
For one, nakasama niya ang Superstar sa mga pelikulang “Hustisya” at “Dementia.”
Aniya, marami raw siyang natutunan sa magaling at multi-awarded actress.
“Sa akting niya, marami kang mapupulot like iyong mata-mata acting. Bilang kaeksena, very generous din siya. Tutulungan ka niya especially noong nagsisimula pa lamang ako. Siya iyong nagpapalakas ng loob ko kapag ninenerbiyos ako bilang baguhan, “pagbabalik-tanaw niya.
Hirit pa niya, ang mga baon daw niya kay Guy ay naging inspirasyon para pagbutihin niya ang kanyang craft bilang actor.
“Thankful ako at grateful ako dahil na-experience ko siya kay Mama Guy. Naging baon ko siya na nagagamit ko pag may mga eksena ako,”paliwanag niya.
Hindi rin niya ikinaila na siya man ay naging saksi sa pagiging matulungin at makatao ni Nora sa kanyang mga katrabaho sa set.
“Marami naman talagang makapagpatunay na matulungin siya kahit sa production staff at crew. Marunong siyang ma-share ng blessings kaya siguro siya mahal ng mga tao,” lahad niya.
Samantala, proud naman si Jeric dahil nakasama siya sa makabuluhang pelikulang “Fatherland” ng Bentria Productions ni Engr. Benjie Austria na palabas na sa mga sinehan.
Kahit nakapagbida na sa “Broken Blooms” kung saan siya humakot ng maraming best actor awards locally at internationally, pumayag naman siya na maging kontrabida sa latest masterpiece ni Joel Lamangan.
“Noong sinabi sa akin iyong role, nagustuhan ko siya. Gusto ko iyong character. Tapos noong malaman ko na si Direk Joel ang magdidirek at magagaling iyong mga aktor na makakasama ko, pumayag talaga ako,” ani Jeric. “Challenge kasi sa akin pag si Direk Joel ang direktor. We worked together in “Hustisya.” Bata pa lang ako. Gusto ko ulit siyang makatrabaho. Si Direk Joel kasi kahit may nagsasabing nakakatakot, lalabas talaga ang galing mo,” dugtong niya.
Nilinaw naman niya na kahit ilang beses na niyang nakatrabaho ang actor’s director ay never pa siyang natalakan nito.
“Wala pa namang ganoong insidente. Actually, after my scenes in “Fatherland”, natuwa ako kasi sabi niya ang ‘galing ko,’ pagtatapos niya.
Sa “Fatherland”, ginagampanan ni Jeric ang papel ni Rudy, isang mapagsamantalang sales agent na brinabraso ang mga magsasaka na ipagbili ang kanilang mga lupain.
Pinagbibidahan nina Allen Dizon at Inigo Pascual, ang pelikula ay tumatalakay sa paghahanap ng isang anak sa kanyang nawawalang ama.
Mula sa panulat ni Roy Iglesias at sa direksyon ni Joel Lamangan, tampok din sa pelikula sina Richard Yap, Cherry Pie Picache, Mercedes Cabral, Arabella Davao, Angel Aquino, Max Eigenmann, Jim Pebanco, Rico Barrera, Abed Green at marami pang iba.
Palabas na ang napapanahong pelikula sa mga piling sinehan sa buong bansa.
