
PINAKAMAHIRAP talaga sa buhay nating ito ang humanap at kumuha ng tiwala ng ating kapwa,ng ating mga kaibigan, ng ating mga kaanak at ng ating kapamilya.
Mahirap makuha subali’t kapag nangyari ay daig mo pa ang naka-jackpot sa lotto.
Bakit kanyo?
Dahil kapag ang tiwala ng iba ay nakuha mo na at buo ang kanilang tiwala sa iyo ay magiging napakadali na ng lahat.
Unang-una ay hindi ka mahihirapang kumbinsihin sila kapag mayroon kang mga plano o panukala dahil buo ang kanilang tiwala na kaya mong magtagumpay kasama nila.
Bakit natin naisipang talakayin ang tungkol sa katagang tiwala?
Ngayong panahon ng eleksyon ay nariyan na naman ang mga pulitiko na kumakandidato sa iba’t ibang mga posisyon para sa paparating na 2025 mid-term elections.
At siyempre, sa gitna ng kanilang nakakauyam na uri ng pangangampanya na kung minsan ay paulit-ulit na lang na pangako na paulit-ulit din naman na hindi tinutupad ay napakahirap na talagang magbigay pa ng tiwala sa kanila.
At bakit nga ba napakahirap nang basta na lamang bumoto at magbigay ng tiwala sa mga burutong pulitiko na ito na karamihan naman ay ginagawa lamang negosyo o hanapbuhay ang eleksyon?
Dahil ang sinseridad at kagustuhang makapaglingkod sa mga kababayan nila ay hindi ang pangkaraniwang prayoridad nila kundi ang mapwesto at pakinabangan ang kanilang pagkakaluklok sa posisyon.
Paraan upang magamit sa pagkakaroon ng impluwensiya na magagamit upang sila ay magkamal ng pera…bagama’t hindi naman lahat, pero karamihan talaga.
Halimbawa, simulan natin sa itaas.
Itong administrasyon na ito na pinagkalooban ng tiwala ng milyun-milyong mga pinoy noong 2022 elections…sa tingin ba ninyo ay nagawa nila ang kanilang mga ipinangako sa atin noon?
O ang ginawa nila at ginagawa ay kabaligtaran ng kanilang mga ipinangako?
Bwisit di ba!
Galing tayo sa pandemya at mahirap na sitwasyon tapos nang maluklok sila sa halip na tulungang makaahon ang mga pinoy ay puro bangayan at sablay na mga patakaran ang ginawa.
Matapos paasahin at umaasa ng mga pinoy sa kanilang mga magagandang pangako ay puro pahirap sa buhay ang ating inabot.
Unang-unang nakakabuwisit ay ang pangakong maayos na pamumuhay at pagpapatuloy ng mga magagandang proyekto na sinimulan noong nakaraang administrasyon na walang natupad kahit isa.
Sa ating opinyon lamang naman, pakiramdam ko hindi na nila pinipili ang mga taong inilalagay nila sa posisyon eh, kahit yata walang mga alam at mukhang di naman kaya ang kanilang mga nakuhang puwesto ay matibay ka sa iyong posisyon basta’t ikaw ay susunod lamang ng walang pagtanggi sa lahat ng iniuutos sa iyo.
Kagaya na lamang nitong si Madam Atty Claire na USEC ng PCO…hindi natin alam kung siya’y nagtatanga-tangahan o talagang tanga eh.
Hindi natin alam kung totoo sa loob niya yung kanyang mga sinasabi o hindi.
Pero effective siyang tagapagtanggol ng administrasyon dahil kahit balu-baluktot na ang kanyang naisasagot sa mga tanong sa kanya ng media ay nagagawan pa rin niya ng paraan sa paraang kahit siya na ang nagiging katawa-tawa.
At iyon ang kanyang trabaho kaya siya inilagay doon ay upang ipagtanggol ang kanyang amo sa kahit anong paraan.grrrrr.
Hindi lang siya…marami pa sa administrasyong ito ang gaya niya na sinasalok sa kung saan ang mga sinasabi at ideya.
Mapapa-wow ka na lang talaga.
Mapapaisip ka at sasabihin mong…parang inipon nang lahat ang mga sablay na tao at hindi na mahalaga kung magaling at magiging epektibo sa kanilang mga puwesto…basta kayang sumunod at may kapal ng mukha na ipatupad ang mali basta’t naaayon sa gusto ng mga nasa itaas ay okey ka!
Itong P20 na bigas ay ang isa sa naging pangako noon na pipiliting ma-achieve umano ng administrasyon sa oras na sila ay maluklok sa puwesto.
Katakut-takot na kantiyaw ang kanilang inabot sa unang tatlong taon ng kanilang termino dahil sa halip na mapababa ang halaga ng bigas ay lalo pa itong tumaas.
Tumaas nang tumaas kasabay ng pagsirit ng presyo ng lahat ng uri ng bilihin.
Tandaan…Lahat! Hindi mga pangunahing pangangailangan lamang kundi lahat ng klase ng bilihin.
At kasabay sa pagbaba ng trust rating ng pangulo at gayundin ng kanyang pinakamalalapit na kaalyado ay biglang humirit ang Department of Agriculture at biglang kumambiyo upang magbenta ng bigas na aabot ang presyo sa P20 ang isang kilo.
P20 na bigas na ani VP Sara ay hindi pang tao kundi pang hayop.
Hayup na yan!
Para lang matupad ang mababang presyo ng bigas na maibebenta sa mga pinoy ay itinuloy kahit na medyo hindi naman magiging epektibo kung para namang bigas na napakaluma na at hindi makakain nang maayos.
Maganda sana yung hangad subali’t ang hindi tama ay ang mismong bigas.
Tsk tsk tsk minsan ay talagang nakakatuliro nang mamuhay dito sa ating bansa sa panahong ito.
Halos puro sablay ang nangyayari…paano magtitiwala ang mga tao sa pamahalaan kung wala namang naipapakitang maayos na serbisyo sa bayan.
Maghahalal na namang ng mga bagong lider ng bayan samantalang yung mga nakaraang ibinoto ay di naman naramdaman ang serbisyo.
At mag-eeleksyon na pero ang mga tao ay nalilito pa rin kung boboto o hindi dahil pakiramdam nila ay mukhang hindi umano magiging safe ang boto dahil hindi pa nagsisimula ang botohan ay kung anu-ano nang isyu ang sinasangga ng comelec na ang pinakamtindi ay ang bintang na napakadali umanong monopolyuhin o dayain ang magiging resulta ng eleksyon.
Tsk Tsk medyo mahirap patunayan yan at isa pa ay mariin namang itinatanggi ito ng comelec.
Pero yun nga…ang hirap kasing kunin muli ang tiwala ng mga tao kapag may mga nakita na silang mga lamat at sablay.
Ang hirap nang papaniwalain na ito ang totoo at ganito po yan…hirap kapag TIWALA ANG NAWALA, WALA NANG TIWALA EH!