


Isang pangalang patuloy na gumagawa ng ingay sa mundo ng showbizlandia at sa social media ngayon ay si Jojo Mendrez, ang tinaguriang ‘Revival King’. Isa sa kanyang pinakabagong obra ay ang makabagbag-damdaming rendition ng kantang ‘Somewhere in My Past’, na orihinal na pinasikat ng yumaong si Julie Vega.
Sa sobrang ganda ng kanyang bersyon, hindi lang basta mga fans ang napahanga kundi pati na rin ang mga bigating bituin sa industriya ng showbiz tulad nina Superstar Nora Aunor, Diamond Star Maricel Soriano, pati na ang mga sikat na aktres na sina Janice De Belen, Snooky Serna, at Claudine Barretto. Lahat sila ay iisa ang naging reaksyon—napakagandang rendition! Marami ang hindi napigilang maging emosyonal habang pinapakinggan ang kanyang bersyon, dahil para itong isang time machine na nagbabalik ng maraming alaala.
Ang kwento ng buhay ni Jojo Mendrez ay mula sa hirap patungong tagumpay.
Hindi madali ang pinagdaanan ni Jojo bago siya umabot sa kung nasaan siya ngayon. Lumaki siyang salat sa buhay—noong bata pa siya, isa sa kanyang pinagkakakitaan ay ang pagbilad at pagbibilang ng walis tingting sa ilalim ng tirik na araw. Dumaan din siya sa matinding pagsubok nang mapilitang lisanin nila ang kanilang tirahan dahil hindi na sila tinanggap ng kanilang mga kamag-anak.
Dahil sa hirap ng buhay, minsan ay tinatanong niya ang sarili, “Ano ba talaga ang purpose ko sa buhay? Bakit kami kailangang maghirap?” Ngunit kahit mahirap ang buhay, naging sandalan niya ang musika.
Isa sa mga kantang malapit sa kanyang puso ay ang ‘Somewhere in My Past’. Una niya itong narinig nang kantahin ito mismo ni Julie Vega nang live sa GMA Supershow – Julie Special. Hindi niya alam na ang kantang iyon ay magiging bahagi ng kanyang tadhana balang araw. Kaya lang, biglang dumating ang malungkot na balita—pumanaw si Julie. Para sa isang batang gaya niya noon, isang malaking dagok iyon.
Hindi basta basta ang naging pagpili kay Jojo Mendrez para awitin ang kantang ‘Somewhere In My Past’.
Dahil sa napakagandang istorya sa likod ng kantang ito, isang audition ang isinagawa ng mismong composer nitong si Mon del Rosario para sa artist na magbibigay-buhay sa remake nito. Maraming nag-audition, pero si Jojo Mendrez ang napili.
Para kay Jojo, isang malaking karangalan ito. Ipinagmamalaki niya na siya ang napiling muling magpabuhay ng awiting ito upang muling maipakilala sa bagong henerasyon ang napakagandang musika noon.
“Ako ay kumakanta hindi para kumita ng pera. Ang pagkanta ko ay para makapagbigay ng inspirasyon sa lahat.”
Sa kanyang tinig, hindi lang simpleng revival ang ginawa niya sa kantang ito—binigyan niya ito ng sariling karakter at damdamin. Hindi kataka-taka kung bakit umabot na sa mahigit 46 million views ang kanyang bersyon sa iba’t ibang social media platforms. Marami na ring sikat na influencers at artists ang nagbigay ng reaction video tungkol sa kanyang rendition.
Hindi lang ito ang kantang matagumpay niyang binigyan ng bagong kulay. Ilan pa sa kanyang mga na-revive ay:
‘Magkabilang Mundo’ ni Jireh Lim, ‘Sana’ at ‘Handog’ ni Florante, ‘Tuyo ng Damdamin’ ng Apo Hiking Society, ‘Basta Ikaw’, ‘Diwa ng Pasko’, at ngayon nga ang ‘Somewhere In My Past’.
Marami sa kanyang mga kanta ay inaayos at pinoproduce ng kilalang musical director na si Marvin Querido, na siya ring tumutulong sa mga malalaking pangalan sa industriya gaya nina Lea Salonga, Vice Ganda, at Martin Nievera.
Kitang-kita na may matinding puso si Jojo Mendrez pagdating sa musika. Para sa kanya, ang tunay na ligaya ay ang marinig ang kanyang mga kanta sa radyo at sa iba’t ibang platforms. “Iba ‘yung pakiramdam na marinig mo ‘yung sarili mong kanta na pinapatugtog—parang high na high ako sa saya!”
Bukod sa pagiging isang mahusay na mang-aawit, kilala rin si Jojo sa pagiging matulungin. Isa siya tao na may napakalaking puso para tumulong sa kapwa. Marami siyang natutulungan na kapus-palad—isang patunay na hindi lang siya basta may magandang boses, kundi may busilak na puso rin.
Sa kabila ng kanyang tagumpay, hindi niya nakakalimutan ang kanyang mga supporters. Palagi niyang sinasabi na ang lahat ng ito ay hindi niya makakamit kung wala ang pagmamahal at suporta ng kanyang mga fans, ang kanyang ‘Jojonatics’.
Hindi lang siya isang Revival King—siya ay isang inspirasyon. At ngayong nakatakda na siyang sumabak sa movie at concert production, siguradong mas marami pang magandang proyekto ang kanyang ihahatid sa atin.
Isang batang nangangarap noon, ngayon ay isang ganap nang bituin na nagliliwanag. Iyan si Jojo Mendrez—ang Revival King na bumihag sa ating mga puso.
