
SINASABI na isa ang bansang Pilipinas sa may pinakamalaking bilang ng mga mamamayan na grabe ang pagkahumaling o pagka-adik sa social media.
Minsan dahil sa sobrang hilig ng mga pinoy sa social media partikular sa Facebook, Youtube, Messenger,Tiktok at ibang social media platforms ay nasasakripisyo na kung minsan ang pamilya, relasyon, hanapbuhay, negosyo at iba pang mga personal na gawain na nasasadlak sa kapahamakan na madalas ay nauuwi sa kasawian.
Sa taong 2025, ang mga top social media platforms na tintangkilik ng mga nakakaraming pinoy ay ang Facebook na may market share na umaabot sa mahigit 94 porsyento kasunod ang Messenger at Tiktok.
Hindi iilang beses na nakakabalita tayo ng mga social media users na nabibiktima ng iba’t ibang uri ng scam dahil napapaniwala ng mga nambubudol sa online selling, loan at iba pa.
Isama na rin ang mga nabibiktima ng rape, napapatay, nakikidnap at iba pang masasamang karanasan na ang dahilan ay ang paggamit ng iba’t ibang social media platforms.
May mga nabibiktima ng fake news at mayroon din naman na nagiging subject mismo ng fake news.
May mga nadadawit ang pangalan sa mga maling balita na kadalasan ay umaabot ang pangyayari hanggang sa pagsasampahan ng demanda.
Sa ngayon ay ang mabalasik na kapangyarihan ng social media ang nangungunang libangan at kadalasang pinagkukunan ng mga pangunahing balita at impormasyon na may kinalaman sa showbiz, pulitika, soprts at iba pang mga tsika na nagaganap sa buong bansa at iba pang mga panig ng mundo.Totoo man ang mga ito o fake news.
Naisipan natin gawing topic ang tungkol dito dahil pumukaw po sa atensyon ng inyong lingkod ang tungkol sa isang sunog na naganap sa isang malayong lugar sa dulong Luzon sa Bicol region.
May isang lugar sa isang maliit na bayan sa isang malayong probinsiya na inabot ng matinding kamalasan na masunugan.
Maraming pamilya ang nawalan ng mga tahanan at ari-arian matapos na maabo sa isang sunog na nagsimula lamang sa maliit at dahil hindi naagapan ay patuloy na lumaki at hindi na naapula agad hanggang sa halos nalalalos ang mga maliliit na magkakadikit na bahay na nasa may tabing dagat pa naman.
Lumaki ang sunog dahil hindi agad nakaresponde ang mga bumbero.
Bukod kasi sa makikipot na daanan patungo sa pinangyarihan ng sunog, ay hindi umano agad natawagan ng mga residente sa nabanggit na lugar ang mga bumbero.
Bakit hindi nakatawag agad ng bumbero samantalang ultimo tindero ng asin at naghahalungkat ng basura ay may cellphone?
Kasi sa halip na tawagan umano ang mga bumbero upang masawata agad ang papalaking apoy ng nasusunog na bahay ay pagbi-video ng nasusunog na bahay ang inatupag ng mga lintek.
At natural may mga nagla-live na nga at may mga nakapag-post para makakuha ng mga atensyon sa facebook at youtube.
Ang ending tupok ang mga magkakatabing bahay.
Nakaresponde lamang umano ang mga bumbero nang may nakita sila na naka-post sa FB na may nasusunog na pala malapit sa kanilang istasyon.
Halos mga 200 meters lamang umano ang layo ng lugar na pinangyarihan ng sunog sa istasyon ng bumbero na nakahanda naman lagi sa pagresponde ang mga trak.
Pero dahil wala ngang tawag ay ayun medyo huli na nang makarating upang makatulong sa pag-apula ng apoy.
Napapailing nga ang isang matanda roon at ang sabi ay iba na talaga ang panahon ngayon dahil noon pag may sunog sa lugar na iyo ay kanya-kanyang dampot ng timba at balde ang mga nakatira doon pero ngayon ay selpon ang hawak ng mga tao at kani-kanyang kuha ng pictures at video para may mai-post sa social media.
Kahit nga may nag-aaway o naaksidente sa kalsada ay ang unang ginagawa ng mga nakakasaksi ay ang makakuha agad ng mga video at pictures sa kanilang nakikita.
Tsk tsk tsk o di ba ngayon sa mga gulong pulitikal na nagaganap sa bansa natin ay sangkatutak na balita sa youtube at facebook ang ating napapanood at nababasa.
Na karamihan ay hindi naman mga totoo at kung mayroon mang katotohanan ang ilan ay mas marami naman ang fake news.
Kung kailan dumami ang mga nagbibigay ng impormasyon ay lalong nakakalito na ang mga balita kung alin ang totoo o hindi.
Kaya ang ating payo sa ating mga kabababayan…piliin ang inyong papanoorin at babasahin upang hindi kayo makasama ng mga nabudol sa social media.