

NAPAKASUWERTE ni Vilma Santos sa patuloy na kaganapan ngayon. Aminado siyang marami din siyang pinagdaanang mga pagsubok. Pero dahil mabuti siyang tao at wala siyang mga taong tinapakan para marating ang kanyang kasikatan, ay maraming katuparan ng tagumpay ang patuloy na nagaganap sa buhay ng Star for All Seasons.
Minsan lang naranasan ng Star for All Seasons ang kabiguang sobrang nahirapan at nasaktan siya, pero nagbigay din iyon sa kanya ng tibay para mas lalo pang maiangat ang kanyang pagkatao.
Una, ang pagkasilat ng kanyang kabuhayan na sa kabila ng kanyang kasikatan ay wala na pala siyang pera at nakabaon pa sa malaking pagkakautang sa BIR na ilang taon niyang binuno para mabayaran.
Pangalawa, ang naging malungkot na paghihiwalay nila bilang dating mag-asawa ni Edu Manzano, sa panahong naisilang na ni Vi si Luis Manzano, pero kailangan niyang ipagpatuloy ang kanyang movie career.
Nakabawi si Vilma sa career, sa kabuhayan at buhay. Nang makasal kay Senator Ralph Recto ay pinasok na rin ang pulitika. Naging Mayor ng Lipa City, naging Governor ng Batangas at naging Congresswoman.
Isa rin sa susi ng tagumpay ni Vilma saan man siya nakarating, ay hindi siya maramot sa kanyang pamilya. Magkakasundo silang magkakapatid.
“Sa mga dinaanan ko, sobrang pasasalamat sa Diyos ang hindi ko nakakalimutan. Tumagal akong ganito sa showbiz at naging public servant. Salamat, kasi hindi lahat nabibigyan ng ganitong pagkakataon, suwerte at pagtitiwala ng mga tao,” wika ng premyadong aktres.
DANIEL PADILLA, NAGMANA KAY ROBIN PADILLA SA PAGIGING MAAMO SA MGA FANS

NAPAKASAYA ni Daniel Padilla kapag sa bawat lugar na napupuntahan niya ay ipinaparamdam sa kanya ng mga taong kanyang nakakasalamuha, na hindi sila bumibitiw sa pagsuporta sa kanyang mga ganap bilang aktor. Katunayan nga, patok at napupuri ang teleseryeng “Incognito” ng Kapamilya Network kung saan isa siya sa mga bida.
Mahalaga para kay Daniel ang kanyang mga fans, dahil hindi niya nakakalimutan ang pagtanaw ng utang na loob sa kanyang pagiging artista na bumago sa takbo ng buhay ng kanilang pamilya dahil sa kanyang naging kasikatan. Klaro lagi sa isip ng guwapong aktor, na bahagi ng kanyang naging kasikatan ang mga fans.
Tinanggap at tiniis ni Daniel ang pagkakawatak-watak ng kanyang mga fans magbuhat nang magkahiwalay sila ni Kathryn Bernardo. Ang ibang grupo ay pumanig kay Kathryn, ang iba ay pumanig kay Alden Richards para kay Kathryn. Mayroong mga hindi bumitiw kay DJ.
Bukod sa mahusay na aktor, ay matalinong artista si Daniel. Mapag-obserba. Matalas ang kanyang paningin sa kapaligiran kung mayroong mga fans na pasaway at hindi panig sa kanya, na puwede siyang bastusin. Kaya alam niyang ingatan ang kanyang sarili.
Ayaw ni Daniel ng distansiya sa mga fans. Dahil ang intensiyon niya sa pag-aartista ay para makapagpasaya ng mga tao. Ganito rin ang intensiyon ng kanyang Uncle na si Senator Robin Padilla noon.
Nagmana rin si Daniel sa kanyang uncle na si Senator Robin kung paano magtrato ng mga fans. Kung si Binoe ay hindi natatakot noon na dumugin ng mga fans, ay ganun din si Daniel ngayon. Nakikipagkuwentuhan at nakikipagbiruan siya sa grupo ng kanyang mga tagahanga.

